Maid of Honor (254)

KINABUKASAN, nagkayayaan sina Honor, Rocky at Ram na mag-inuman sa cottage. Ang cottage na iyon ang paborito ni Rocky mula nang manirahan dito sa beach. Dito rin sila madalas magtungo ni Inah kapag natapos mamasyal sa aplaya. Mula sa cottage ay tanaw ang kalmadong dagat.

Nagdala sila ng beer at maraming pulutan.

“Umiinom ka ba Ram?” tanong ni Honor.

“Isang bottle lang po Tito Honor.’’

“Puwede two bottle nga­yon, ha-ha-ha! Joke lang!”

“Puwede naman Tito, ha-ha-ha!’’

“Sige one bottle lang at baka ka malasing e magalit sa amin si Yana. Alam ko naman na hindi ka umiinom.’’
Napangiti si Ram.

“Pero alam mo Ram, napakasuwerte mo at si Yana ang magiging maybahay mo. Hindi naman sa itinataas ko si Yana dahil siya ay aming kasambahay, pero hindi ka nagkamali sa pagpili sa kanya. Napakabait niya Ram. Mula nang tumira siya sa amin, wala akong natandaan na nakagawa siya ng ikagagalit namin. Sa tingin ko, perpekto si Yana. Kaya binabati kita, Ram.’’

“Salamat Tito. Ramdam ko po naman talaga na masuwerte ako. Hindi ako nagkamali kay Yana. Perpekto po talaga si Yana.’’
Nagsalita naman si Rocky.

“Pareho tayong masuwerte, Ram. Alam mo ba na mula nang maging magkasintahan kami ni Inah, nagbago ang ikot ng mundo ko. Sobrang ligaya—walang kapantay. Pareho tayo ng kapalaran, Ram.’’

“Congrats po Tito Rocky.’’

“Aba uminom tayo sa suwerte n’yo!’’ sabi ni Honor. (Itutuloy)

Show comments