EDITORYAL - Urong-sulong na PUV modernization
NATAPOS noong Martes ang dalawang araw na jeepney strike ng transport groups Manibela at PISTON. Layunin ng kanilang strike na ipaabot ang kanilang pagtutol sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP). Hindi raw pinakikinggan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang kanilang hinaing. Hindi raw sila titigil sa pagwewelga hangga’t hindi sila pinakikinggan ng pamahalaan.
Mula nang matapos ang deadline sa Public Utility Modernization Vehicle Program (PUVMP) noong Abril 30, 2024, tatlong beses nang nagsasagawa ng tigil-pasada ang dalawang transport groups. Ikinatwiran ng Manibela na hindi raw nila kaya ang malaking gastusin para makapag-consolidate. Masyadong mahal umano ang mga unit ng bagong jeepney at wala silang kakayahan na mabayaran ito. Hinihiling nila na ibalik ang prangkisa ng traditional jeepneys.
Noong nakaraang Hunyo, 22 senador ang lumagda sa resolusyon para suspendihin ang PUVMP. Nais daw ng mga senador na maresolba ang isyu ng PUVMP. Ito marahil ang nakapagpalakas ng loob sa mga lider ng Manibela at PISTON para huwag mag-consolidate at magtigil-pasada na lamang. Sabi kahapon ng dalawang lider ng transport groups, magkakaroon pa ng mga malalaking tigil pasada para kalampagin ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Pero matatag ang pasya ni President Marcos na ituloy ang PUVMP. Wala na umanong pagsuspende sapagkat anim na taon na itong ipinagpapaliban. Sabi naman ng LTFRB, nararapat na itong maisakatuparan sapagkat 70 percent na ng mga jeepney drivers at operators ang nakapag-consolidate.
Sa ilalim ng PUVMP, dapat mag-consolidate at maging miyembro ng mga kooperatiba ang mga jeepney driver at operator. Ayon sa Deparment of Transportation (DOTr), ang mga jeepney operator na hindi nakapag-consolidate ay maaaring lumipat sa consolidated cooperatives.
Nang ihayag ng Senado ang kanilang pagtutol sa agarang pagpapatupad ng PUVMP, umalma naman ang pitong malalaking transport groups na magsasagawa sila ng tigil-pasada kung itutuloy ng Senado ang suspension ng PUVMP. Ayon kay Pasang Masda president Roberto “Ka Obet” Martin, magtitigil pasada sila para maipadama ang lakas ng 80 percent na nakiisa sa modernization program ng pamahalaan.
Huwag nang mag-urong-sulong sa jeepney modernization. Isakatuparan na ito. Hindi na dapat matakot sa banta ng tigil-pasada. Di ba’t marami na naman ang naka-consolidate? Ano pang problema kahit magwelga ang dalawang transport groups?
- Latest