NOONG nakaraang Setyembre 20, ginawa ang inagurasyon ng World Cleanup Day and International Coastal Cleanup Day na pinangasiwaan ng United Nations Human Settlements Program. Ang Norway ang pinili na maging venue ng paglulunsad at pinangunahan ang paglilinis sa dalampasigan na ang layuni’y maprotektahan ang kapaligiran.
Ang Pilipinas ay isa sa mga nakiisa sa World Cleanup Day. Maraming volunteers ang nagtulung-tulong para linisin ang dalampasigan sa mga plastic na basura. Pero bago pa ang paglulunsad ng World Cleanup Day, dati nang mga civic group na naglilinis sa mga dalampasigan at kabilang dito ang Manila Bay.
Ang dating malinis na Dolomite Beach ay marumi na ngayon sapagkat pawang plastic na basura ang pinadpad. Ginastusan nang malaki ng nakaraang Duterte administration ang Dolomite Beach subalit naging tambakan lamang ng basura. Karaniwang single-use plastic ang nakakalat sa nasabing beach—sachet ng shampoo, ketsup, 3-in-1 coffee, sando bags at marami pa ang nakatakip sa dating puting buhangin na binili at hinakot mula pa sa Cebu. Ang Dolomite ay pinagkagastusan nang malaki at saka pinabayaan. Nasayang ang pera ng taumbayan sapagkat naging tambakan ng plastic na basura.
Nang manalasa ang Bagyong Carina noong Hulyo, plastic na basura ang sinisisi sa pagbaha sa Metro Manila. Nanawagan si President Ferdinand Marcos Jr. na maging responsible sa pagtatapon ng basura. Karaniwang ang mga informal settlers na nasa pampang ng estero at sapa ang nagtatapon ng mga plastic. Tapon dito, tapon doon at hindi na iniisip na ang basurang itinapon ay babalik din at mas marami pa.
Tuwing mananalasa ang bagyo at magkakaroon ng baha, lumulutang ang mga basura na pawang plastic. Totoo talaga na ang anumang itinapon ay babalik doble pa ang dami. Dapat maging responsible ang lahat sa pagtatapon ng basura.