Reklamo para sa child support dapat pa bang idaan sa barangay?
Dear Attorney,
Kailangan ko pa bang idaan sa barangay ang demandang balak kong isampa para humingi ng child support sa ama ng aking anak? —Pia
Dear Pia,
Bagama’t halos karamihan sa mga kaso ay kailangang idaan muna sa barangay bago ito maisampa sa korte, hindi mo na kakailanganin ang hakbang na ito dahil isa ang paghingi ng suporta sa mga demandang maaring ihain nang direkta sa hukuman.
Nakasaad sa Section 412(b) ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code na maari nang dumiretso sa korte ang demandang isasampa kung kasama sa demanda ang paghingi ng suporta habang dinidinig ang kaso.
Kung kasong economic abuse o pang-aabuso sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng pinansyal na suporta naman sa ilalim ng Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act ang balak mong isampa ay hindi mo na rin kailangan pang dumaan pa sa barangay.
Nakasaad kasi sa RA 9262 na lahat ng kaso ng pang-aabuso laban sa mga kababaihan ay hindi maaring idaan sa anumang mediation, kabilang na ang anumang pagkakasundo sa harap ng barangay.
- Latest