NIYAKAP ni Inah si Yana at pagkatapos ay sina Honor at Bianca. Ipinakilala ni Yana si Ram at Mommy Celia. Kinamayan ni Inah si Ram at niyakap naman si Mommy Celia.
Sabi ni Mommy Celia, “Napakaganda mo Inah—lahi talaga kayo ng magaganda.’’
“Salamat po Mommy. Ikaw din po, napakaganda.’’
Napahalakhak si Mommy Celia.
Isa-isa ring hinalikan ni Inah ang dalawang anak nina Honor at Bianca.
Pagkatapos ay niyaya na niya ang mga ito sa malaking restaurant ng resort.
“Halina kayo at naghihintay na ang pagkain. Alam kong gutom na gutom na kayo!’’
“Sinabi mo pa Sister,’’ sabi ni Yana.
“Lahat nang pagkain na request mo ay sinunod ko.”
“Thank you Sister. Napakabuti mo.”
Nang pumasok sila sa restaurant ay tumambad sa kanila ang mahabang mesa na punumpuno ng pagkain na pawang seafoods.
Walang ibang tao sa restaurant kundi mga waiter at waitresses. Reserbado talaga para kina Yana.
“Puwede na po kayong kumain. Huwag kayong mahihiya,’’ sabi ni Inah.
Nagsimula nang kumain ang lahat. Masayang-masaya. Nagsisilbi ng inumin ang mga waiter.
Nilapitan ni Honor si Inah.
“Inah, napansin ko na wala si Rocky.’’
“Paparating na Kuya Honor. May inasikaso lang siya sa munisipyo. On the way na. Sabik na rin si Rocky na makita ka—kayo ni Ate Bianca.
“Oo nga. Pagkaraan ng ilang taon e ngayon lang uli kami magkikita.
“Marami siyang ikukuwento sa iyo Kuya.’’
Maya-maya, dumating na si Rocky.
Mainit ang pagkikita ng magkaibigan.
Sa isang table sila nag-usap. Sinilbihan sila ng beer at pulutan.
“Natutuwa ako at masaya ka na Bro,’’ sabi ni Honor.
“Oo nga, Pareng Honor.’’
“Uminom tayo para sa muli mong pagkabuhay, ha-ha-ha!’’
KINABUKASAN, sa tabing dagat namasyal sina Honor, Bianca at Rocky.
“Masayang-masaya ako sa nangyari sa iyo, Bro. Congrats,’’ sabi ni Honor.
“Oo nga Pareng Rocky. Ibang-iba na ang aura mo ngayon,’’ sabi naman ni Bianca.
“Dahil kay Inah ang lahat. Siya ang nagpabago sa buhay ko.’’ (Itutuloy)