NANGUNA na naman ang Pilipinas sa isang larangan na hindi natin ikatutuwa at ipagmamalaki. Sa ikatlong sunud-sunod na taon, nanatiling nangunguna ang Pilipinas sa mga bansang lubos na mapipinsala ng mga natural na kalamidad at climate change. Ito’y ayon sa 2024 edition ng World Risk Index Report na gumawa ng pag-aaral sa 193 bansang kaanib ng United Nations. Ang pag-aaral ay ibinase sa 100 risk indicators.
Lumala pa ang kalagayan ng Pilipinas ngayon kaysa noong 2023. Nasa ikalawang puwesto ang Indonesia, sumunod ay India, Colombia, at Mexico. Ito ang limang bansang lubos na mapipinsala ng mga kalamidad at climate change. Ang pagsusuri ay ibinase sa dami ng kalamidad sa isang bansa at sa tinatawag na “vulnerability” o kakayahan ng bansang ito na mabilisang tugunan at mapaghandaang mabuti ang pagdating ng mga kalamidad.
Kabilang sa mga kalamidad ang lindol, tsunami, tagtuyot, bagyo, baha, at pagtaas ng antas ng tubig sa dagat sanhi ng pag-init ng karagatan at pagkatunaw ng mga yelo na bunga ng global warming. Lahat ng ito’y dinaranas ng Pilipinas. Bukod dito, napakataas ng ating “vulnerability,” wala tayong sapat na kakayahan upang mapagtagumpayan ang mga kalamidad na ito.
Ang Pilipinas ay nasa hanay ng Pacific Ring of Fire. Napakarami nating aktibong bulkan at nasa linya tayo ng earthquake faults. Ibig sabihin, laging may panganib sa atin ng malalakas na paglindol.
Isang malaking tanong, handa ba ang ating gobyerno na tugunan ang pinsalang lilikhain ng kinatatakutang “The Big One,” isang 7.2 magnitude na lindol na kung tatama sa Metro Manila at mga karatig-probinsiya ay dagliang kikitil ng 48,000 tao? Isang nakakatakot na sagot, mukhang hindi.
Katulad natin, ang Japan ay nasa hanay rin ng Pacific Ring of Fire. Pero bakit ang Japan ay nasa ika-24 puwesto sa naturang risk index? Sapagkat mas mababa ang “vulnerability” ng Japan, bunga ng lubos na paghahanda nito at paglalaan ng napakalaking pondo para sa pagharap sa malalaking kalamidad.
Higit pa rito, sobra ang pagiging disiplinado ng mga Japanese. Kapag may kalamidad, talagang sumusunod ang mga tao sa mga paghihigpit ng gobyerno. Wala kang mababalitaang panloloob at agawan ng pagkain. Sa panahon ng kalamidad, doon lumulutang ang magaganda nilang katangian bilang isang lahi.
Tayo naman, sa panahon ng kalamidad, doon lumulutang ang mga pangit nating katangian bilang isang lahi. May mga nagsasamantala sa pamamagitan ng sobrang pagpapatubo sa paninda o kaya naman ay hoarding ng paninda. Ang pondo naman para sa relief, nadudungisan pa ng katiwalian. Ito ang mahalagang nawawala sa atin—ang disiplina. At dito tayo daig na daig ng Japan, kung kaya’t pareho man tayo sa dami ng kinahaharap na kalamidad ay mas madali silang nakakabangon.
Hindi natin maiaalis ang Pilipinas sa Pacific Ring of Fire at sa pagiging isang archipelago. Ito’y natural na kalikasan. Pero maaari nating maialis ang Pilipinas sa pagiging isang tiwali at walang disiplinang bansa. Ito’y hindi natin natural na kalikasan.
Likas na matapat at disiplinado ang ating mga ninuno, ngunit ang kalikasang ito’y sinira ng mga mananakop na Kastila, Hapones, at Amerikano. Dapat ay magbalik tayo sa ating sarili, sapagkat tayo’y isang bansang nawawala sa sarili. At ito ang mas malalang kalamidad!