Maid of Honor (248)
ISANG malaki at bagumbagong van na pag-aari ng mommy ni Ram ang ginamit nila. Kumpleto ang van na parang nasa bahay sila. Komportable ang pagbibiyahe nina Yana. Kasama ang pamilya ni Honor at Bianca, dalawang driver at dalawang maid ni Mommy Celia.
Magkatabi sa upuan sina Yana at Ram.
“Pagdating natin sa resort, maligo na agad tayo Yana,’’ sabi ni Ram na excited.
“Oo. Pero siyempre kakain muna tayo ng lunch.’’
“Mga anong oras ba tayo darating sa inyo?’’
“Mga past 12:00 o 1:00 p.m. Tatawid pa kasi tayo ng dagat. Sasakay sa ro-ro.’’
“Talaga? Hindi pa ako nakakasakay sa ro-ro.’’
“Malaking barko yun na ang mga karga ay truck, jeep at mga kotse.’’
“Puwede tayong mamasyal habang naglalayag ang ro-ro?”
“Oo naman. Makikita mo ang magandang dagat.’’
“Nai-imagine ko na.’’
“Tinawag ko na kay Inah na parating na tayo. Nakahanda na ang tutuluyan natin. Pati mga pagkain. Seafoods daw ang nakahanda sa pagdating natin. Kung mayroon pa raw request na gustong kainin, itawag ko lang daw. Ano ba ang gusto ni Mommy?’’
“Gusto niya ang adobong manok sa gata at buko salad.”
“Ah sige at i-text ko kay Inah.’’
“At saka yung inihaw na hito, paborito rin niya.’’
“Okey. E ikaw ano gusto mo ipaluto?”
“Okey na sa akin seafoods, Yana. Gusto ko magkamay sa pagkain.’’
“Marunong kang magkamay?’’
“Oo naman. Si Mommy nga marunong e.’’
“Gusto mo ng inihaw na tilapia o dalag?’’
“Okey sige. Samahan mo ng inihaw na talong.’’
“Masusunod.’’
Tinanong ni Yana sina Honor at Bianca kung ano ang gusto. Seafoods lang daw.
Makalipas ang halos pitong oras na biyahe, nakarating sila sa resport ni Inah. Tuwang-tuwa ang lahat nang matanaw ang malinis at kalmadong dagat.
“Narito na tayo!’’ sabi ni Yana.
“Sarap maligo!” sabi ni Ram.
Maya-maya pa, dumating na si Inah.
(Itutuloy)
- Latest