NAGTATAKA ako kung bakit sa kabila nang sunud-sunod na operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP-Drug Enforcement Group (PDEG) at maraming nakukumpiskang droga, particular ang shabu, bakit marami pa ring nakakalat patuloy ang drug pushing. Mabilis na nakakakuha ng shabu ang mga nagtutulak. Saan nanggagaling ang mga ito? Lumalabas na kahit gaano karami ang nakukumpiska ng mga awtoridad, ganundin karami ang naitutulak na kahit ang karaniwang mamamayan ay nakakakuha at “nakagagamit”.
Gaya nitong mekaniko na nanapak ng MMDA traffic enforcer sa Pasay kamakalawa. Nang arestuhin ang mekaniko at rekisahin, nakuhaan siya ng 0.20 gramo ng shabu. Nakilala ang suspek na si alyas Jong. Kaya bukod sa pananapak, kakasuhan din siya ng paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Ipinakikita lamang ng pangyayaring ito na laganap ang shabu at kahit karaniwang mamamayan ay madaling makabili nito.
Hindi lamang sa Metro Manila laganap ang tulakan ng shabu. Maski sa probinsiya, malaking negosyo ang pagtutulak ng shabu. Pinagkakakitaan kahit ng mga mag-asawa. Katulad nang mag-asawa sa Bongabong, Oriental Mindoro na nakuhanan ng limang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P34 milyon. Nakilala ang mag-asawa na sina Luis delos Reyes Baes at Lyn Ilagan Baes. Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nagsagawa sila ng buy-bust at naaresto ang mag-asawa. Pinakamalaki umano nila itong drug haul. Nahaharap ang mag-asawa sa paglabag sa RA 9165.
Maraming nakukumpiskang shabu ang PDEA at PDEG pero sa kabila niyan, laganap pa rin at hindi masawata ang shabu. Nagsisikap kaya ang PDEA at PDEG kung paano matutuklasan ang source ng shabu at bakit hindi maubus-ubos?
Hindi naman kaya nare-recycle? Puwede kayang kapag nakumpiska ang shabu ay sirain na agad? Tunawin na at huwag nang itago. Mainit sa mata ang mga nakatagong droga na maaaring pag-interesan ng mga “naliligaw” na alagad ng batas.