MATAPOS ang graduation, na-meet nina Honor at Bianca ang mommy ni Ram. Tuwang-tuwa ang mommy ni Ram nang makilala ang mag-asawa.
“Ikinagagalak ko kayong makilalang mag-asawa,’’ sabi ni Mommy Celia kina Honor at Bianca.
“Nice to meet you rin po, Mommy Celia,’’ sabi ni Bianca.
“Alam ko na kayong mag-asawa ang nagpaaral kay Yana kaya mataas ang pagkilala ko sa inyo. Bihira na sa panahong ito ang mga katulad ninyo na may pagmamahal sa kasambahay. Kung ang ibang mga amo ay minamaltrato at inaabuso ang kasambahay, kayong mag-asawa ay higit pa sa kamag-anak ang trato kay Yana—kakaiba kayong mag-asawa,’’ sabi ni Mommy Celia.
“Salamat po sa papuri, Mommy,’’ sabi ni Honor.
“Ikinuwento sa akin ni Yana ang lahat. Sinabi niya sa akin ang kabutihan ninyong mag-asawa,’’ sabi pa ni Mommy Celia.
“Marami pong nagawang kabutihan sa amin si Yana,’’ sabi ni Bianca. “Siguro po hindi pa naikukuwento sa iyo ni Yana na iniligtas niya ako sa dalawang snatchers. Inagaw ng snatchers ang bag ko at nang makita iyon ni Yana, hinawakan niya ang motorsiklo at tangkang pigilan pero nakaladkad siya. Nagkasugat-sugat ang katawan niya pero hindi binitawan ang aking bag. Matapang siyang nakahawak sa motorsiklo hanggang dumating ang mga pulis at nailigtas siya. Inaresto ang dalawang snatchers.”
Hindi makapaniwala si Mommy Celia.
“Hindi naikuwento sa akin ni Yana ang nangyaring iyon. Talaga palang isa siyang bayani. Napakasuwerte ni Ram. Hindi ako nagkamali sa pagpili kay Yana.”
“Totoo po Mommy Celia, napakabait, napakabuti, napakasipag, napakaganda, napakaresponsable at marami pa si Yana.”
“Sabi ko kay Yana, magpakasal na sila ni Ram. Gusto ko kasi magkaapo na.’’
“Sinabi nga po sa akin ni Yana, Mommy. Gusto mo raw po, maraming apo.’’
“Oo gusto ko masaya ang aking bahay.’’
Maya-maya, lumapit sa kanila sina Yana at Ram.
“Kuya Honor, Ate Bianca, sa isang hotel daw po tayo magla-lunch,’’ sabi ni Yana. “Sabi po ni Mommy Celia.’’
“Tama po si Yana, Kuya Honor, Ate Bianca. Tayo na po,’’ sabi ni Ram.
Umalis na sila. (Itutuloy)