‘Hikaw’

(Part 6)

PERO hindi ko na tinanong si Melba kung bakit lagi siyang nagpapabili sa akin ng hikaw. Baka kung ano pa ang isipin at pagsimulan lamang ng di-pagkakaunawaan. Mahal ko si Melba kaya sinunod ko na lamang ang gusto ni Melba na ibili ko siya ng iba’t ibang hikaw. Naisip ko, baka nangungulekta si Melba ng mga hikaw. May mga babaing ganun—kolektor ng alahas gaya ng hikaw.

Habang patuloy ang masayang pagsasama namin ni Melba, patuloy din naman ang pagsulat ng aking kapatid na babae at isinusumbong si Melba na may kasamang lalaki habang namamasyal sa mall.

Patuloy din ang sumbong na masyadong gastador si Melba.

Kaya ang sulat ng aking kapatid na babae ay laging nagbabala. Sabi ng kapatid ko: “Kuya, mag-isip-isip ka, hindi mabuting asawa si Melba. Huwag mong sundin ang luho niya. Huwag kang padala nang padala ng pera o alahas kaya. Mag-ipon ka at baka dumating ang araw e magkasakit ka at walang maipagpagamot dahil nasimot ang pera mo. Nagpapaalala lang ako.’’

Parang manghu­hula ang kapatid ko at may nangyari nga sa akin na naging dahilan para ako makauwi sa Pilipinas nang wala sa oras. (Itutuloy)

Show comments