Pinoproblema ni Emperor Frederick the Great ng Germany kung paano aayusin ang budget ng kanilang bansa. Malaki ang tax na ipinapataw nila sa mga mamamayan ngunit kulang pa rin ang pumapasok na pera sa government treasury.
Ipinatawag ng emperor ang lahat ng economists at financial analysts ng bansa upang tulungan siya sa kanyang problema.
Sa kalagitnaan ng miting, nakisali sa usapan ang tagasilbi ng alak sa mga bisita.
“Kanina pa po ako nakikinig sa inyong usapan pero wala pa rin kayong mabuo na konklusyon sa inyong problema. Puwede po ba akong makisali sa inyong usapan?”
Tumango ang emperor at sinenyasan ang tagasilbi na magsalita. Agad kinuha ng tagasilbi ang lagayan ng ice cubes. Dinakot ng kanyang kamay ang ice cubes. Ipinasa niya ang isang dakot na yelo sa katabi at sinabing ipasa ang yelo hanggang sa makarating ito sa kamay ng emperor na nakaupo sa pinakadulo.
Nang makarating ang yelo sa emperor, iisa na lang ang buong yelo dahil natunaw na habang nagpapasa-pasa sa iba’t ibang kamay. Muling nagsalita ang tagasilbi:
“Mahal na Emperor, ganyan po ang nangyari sa pera ng bayan. Dahil sa dami ng kamay na humahawak, kakaunti na lang ang natitira para gamitin sa mga proyekto ng gobyerno. Sa madaling salita, mas maraming kamay ang humahawak sa pera, mas marami ang nakukurakot, mas kakaunti ang natitira para gamitin sa pangangailangan ng taumbayan.”