^

Punto Mo

ChatGPT: Nakatatalino o nakabobobo sa estudyante?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

DAPAT marahil tutukan at pag-aralan din ng ating mga awtoridad lalo na ng Department of Education kung nakatutulong ba sa mga estudyanteng Pilipino ang kontrobersiyal na artificial intelligence na ChatGPT at ibang kahalintulad nitong mga chatbot. Natututo ba sila rito? Nakaaambag nga ba ito sa kanilang pag-aaral? Nadadagdagan ba at umuunlad ang kanilang karunungan? Tumatalino ba sila rito o nabobobo? Kailangan bang gabayan o kontrolin ang mga kabataan sa paggamit ng ganitong teknolohiya sa kanilang pag-aaral?

Napaulat kamakailan sa The Hechinger Report ang resulta ng isang pag-aaral ng mga researcher ng University of Pennsylvania sa 1,000 high school students sa Turkey na nagiging mababa ang grado sa math test ng mga estudyanteng gumagamit ng ChatGPT.

“Generative AI Can Harm Learning” ang ipinamagat  ng mga researcher sa kanilang paper para ilinaw sa mga magulang at edukador na  maaaring nakapipigil sa mga estudyante na matuto ang  mga AI chatbots. Sa paniniwala ng mga researcher, ang problema ay ginagamit lang ng mga estudyante ang chatbot bilang “saklay”. Nang analisahin nila ang mga tanong na itinitipa ng mga mag-aaral sa ChatGPT, humihingi lang ng sagot ang mga estudyante.  Hindi nakakabuo ang mga estudyante ng mga skills na dapat umusbong sa paglutas ng mga problema.

Sinasabi sa report na ang nabanggit na pag-aaral ay isang eksperimento sa ibang bansa kaya kailangan ang iba pang mga mag-aaral para makumpirma ang resulta nito. Pero malaki ang eksperimento dahil sangkot ang 1,000 estudyante sa grade 9 hanggang 11 noong fall ng 2023.

Hindi rin naman perpekto ang  ChatGPT na meron ding mga kapalpakan na maaaring isang dahilan ng kahinaan ng naturang mga mag-aaral na gumagamit nito.

Tila rin nagkakaroon ng sobrang kumpiyansa sa sarili ang mga estudyante sa paggamit ng chatbot. Sa survey, sinasabi ng mga estudyante na hindi nila ipinapalagay na hindi sila  gaanong natututo sa ChatGPT kahit taliwas ito sa katotohanan. Inaakala rin ng mga estudyanteng gumagamit ng AI tutor na gumagaling sila sa mga test  kahit hindi naman sila gumagaling talaga. Isa itong paalala na laging mali ang ating mga persepsiyon kung gaano kalaki ang ating mga natututuhan.

Itinulad ng mga awtor sa autopilot ng eroplanpo ang problemang pagkatuto sa tulong ng ChatGPT. Merong mga piloto na lubhang umaasa sa autopilot kaya inirekomenda ng Federal Aviation Administration na bawasan ng mga piloto ang paggamit ng ganitong teknolohiya. Nais tiyakin ng mga regulator na marunong pa rin magpalipad ng eroplano ang mga piloto kapag pumalya ang autopilot.

Kapag gumagamit ng ChatGPT ang mga estudyante, maaaring masagot nila nang tama ang mga tanong o problems  pero hindi sila gaanong natututo. Kung makukuha nila ang tamang sagot sa isang problema, hindi na ito makatutulong sa susunod.

Marami rin namang mga naging isyu, debate, argumento, kontrobersiya at demandahan sa ChatGPT sa maraming bansa sa mundo mula nang ilunsad  ito noong Nobyembre 2022. Kabilang nga ang  paggamit dito ng mga estudyante para sa kanilang pag-aaral, paggawa ng mga assignment, at iba pa.

Magdadalawang taon pa lang ang teknolohiyang ito bagaman merong nagsusulputang mga kahalintulad nitong chatbot. Pero kailangan nga marahil ang mas malalim pang pananaliksik sa ganitong mga A.I. lalo pa’t kinahuhumalingan na rin ito nang maraming estudyante.

-oooooo-

Email: [email protected]

vuukle comment

EDUCATION

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with