Espesyal na hikaw
ISANG researcher sa food company si Maila. Nang gabing iyon ay nag-o-overtime siya dahil may minamadali siyang experiment na kailangan ang resulta sa lalong madaling panahon. Magdamag niyang lalamayin ang experiment. Wala siyang choice. Ang mga equipments na kailangan niya ay ginagamit ng production sa umaga. Nababakante lang ito sa gabi.
Mga alas-dos na ng umaga nang matapos ang ginagawa niyang experiment. Masakit na ang mata niya sa sobrang antok. Umidlip muna siya ng ilang minuto para magkaroon siya ng panibagong lakas para mag-drive. Kailangan niyang umuwi dahil kasali sa school program ang kanyang anak na babae kinaumagahan. Walang tutulong dito na magbihis ng kanyang costume at mag-aplay ng make-up. Ang kanilang kompanya ay nasa Pasig. Sa Makati pa siya umuuwi.
Pagkatapos makaidlip ng 30 minuto, umalis na siya. Kinusut-kusot ni Maila ang kanyang mata habang nagmamaneho dahil parang napapapikit siya sa sobrang antok. Hindi niya namamalayan na nakapikit na pala siya.... nang biglang may yumugyog sa kanyang dalawang balikat. Malakas! Nagitla siya. Sandaling itinabi niya ang sasakyan para pakalmahin ang sarili. Sinilip niya ang likuran ng kotse at baka may taong nagtatago pala. Wala! Sinong gumising sa kanya mula sa likuran?
Bawal huminto sa parteng iyon ng EDSA kaya muli niyang pinaandar ang kotse. Ilang minuto lang ang nakakalipas at muli na namang inantok si Maila. Naramdaman niyang napayukayok ang kanyang ulo sa manibela. This time may yugyog na sa kanyang balikat, may boses pang tumawag sa kanyang pangalan…MAILA! Sa isang iglap ay nagising siya.
Huminto siya sa isang gasoline station. Tinawagan niya ang kanyang mister at nagpasundo na lang. Habang naghihintay ng sundo, nasulyapan niya sa front mirror na suot pala niya ang gold earrings na korteng angel. Alam na niya kung sino ang gumising sa kanya.
- Latest