^

Punto Mo

EDITORYAL - Sino ang susunod sa Bu. of Immigration?

Pang-masa
EDITORYAL - Sino ang susunod sa Bu. of Immigration?

MAY ulo nang gumulong dahil sa pagtakas ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at mga kasama. Sinibak ni President Ferdinand Marcos Jr. si Immigration Commissioner Norman Tansingco, ilang araw makaraang madakip si Guo sa Indonesia. Si DOJ Sec. Crispin Remulla ang nagrekomenda kay Marcos para masibak si Tansingco. Tanong: Kaninong ulo ang susunod na gugulong?

Nakatakas si Guo at mga kasama noong Hulyo 18. Nakarating sila sa Malaysia, Singapore at Indonesia. Ayon kay Guo at sa kapatid na si Shiela, sumakay sila sa yate at lumipat sa mas malaking barko at nagbiyahe ng apat na araw hanggang makarating sa Malaysia. Naaresto sina Shiela at Cassandra Li Ong noong Agosto 20 sa Indonesia samantalang naaresto si Alice Guo noong Setyembre 5 sa bahay ng isang monk sa Indonesia. Sinundo siya nina DILG Sec. Benhur Abalos at PNP chief Rommel Marbil noong Setyembre 6. Nasa PNP-Custodial Center sa Camp Crame si Guo.

Hindi lamang Immigration ang may kagagawan sa pagtakas nina Guo. Kung sumakay sila sa speedboat at sa isang barko, bakit hindi sila namataan ng ­Philippine Coast Guard (PCG). At ganundin naman ang Philippine National Police. Dapat may pananagutan ang mga nabanggit sa paglabas ng bansa ni Guo. Ano ang pakinabang ng intelligence fund ng mga nabanggit na tanggapan at hindi naramdaman ang pagtakas ng dating mayor at mga kasama?

Pero sa lahat ng mga ahensiya, ang Immigration ang may mabigat na pananagutan. Ayon kay Remulla, matagal na niyang pinaalalahanan si Tansingco sa mga nangyayaring katiwalian sa tanggapan nito. Pero hindi raw nakikinig si Tansingco. Noon pa, talamak na ang korapsiyon sa Immigration. Maraming opisyal at personnel ng tanggapang ito ang sangkot sa “pastillas scam”. Dahil sa mga korap na opisyal kaya mara­ming Chinese national ang nakapasok nang walang kahirap-hirap sa bansa para magtrabaho sa mga POGO. Malaking pera ang isinusuhol sa mga korap na Immigration official.

Kung gaano kabilis na nakakapasok sa bansa ang mga dayuhan, ganundin sila kabilis na nakalalabas. Basta may pera ang dayuhan walang problema sapagkat aayusin ng mga korap sa Immigration. Ganyan ang nangyari kay Alice Guo at mga kasama. Nakalabas sila ng bansa na “hindi naramdaman” ng Immigration.

Naging kahiya-hiya ang bansa sa pagtakas ni Guo. Mabilis na nalusutan ang mga awtoridad at kung hindi pa sa pagsusumikap ng Indonesian police, baka tuluyan nang nakaeskapo ang dating mayor na maraming nakasampang kaso.

ALICE GUO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with