FIRST Responders ang tawag sa mga taong pinakaunang dumarating sa scene of an emergency: aksidente, natural disaster, terrorist attack, para makapagbigay ng first aid o anumang klaseng assistance. Sila ay kinabibilangan ng paramedics, emergency medical assistance, police officers, firefighters, rescuers at iba pang organisasyon na may kinalaman ang trabaho sa emergency situations.
Ang First Responders ang ipinadala sa Staten Island landfill (New York) upang mamahala sa mga 9/11 debris. Dito hinahakot ang mga pira-pirasong gumuhong building. Lahat ng basura ng 9/11 ay dito ibinaon.
May mabait na babaing naka-uniform ng Red Cross ang basta na lang sumusulpot at namimigay ng kape at sandwiches sa First Responders. Isang Lt. Frank Marra ng New York Police Department ang napatingin sa Red Cross Lady. Mga 50 yards ang distansiya nito sa Red Cross Lady. Napansin niyang American-African ito at ang uniform na suot ay lumang style. Habang tinititigan niya ang babae, lumalabo ang tingin niya dito at tila usok na basta na lang naglalaho.
Nilapitan ni Lt. Marra ang mga trabahador na inabutan ng kape at sandwiches. Tinanong kung ano ang hitsura ng babae sa malapitan. Ang sagot ay hindi nila alam dahil iniwan lang ng babae ang kape at sandwiches sa tabi nila at kaagad nawala bago pa man nila masulyapan ang mukha nito. Ang nilalapitan nito ay mga trabahador na busy sa pagbabaon ng mga debris at wala nang oras para tumingin sa babae.
Ang mga officers naman na nakausap ni Lt. Marra na nakakita sa babae ay laging malayo ang distansiya kaya silhouette na lang nito ang nakita nila. At isa pa, kapag tumagal daw ang titig nila, unti-unti itong naglalaho na parang usok kagaya ng kanyang naranasan.
Ang nakapagtataka, tinanong nila ang Red Cross kung may tauhan silang ipinadala sa Staten Island para mamigay ng kape at sandwiches, ang sagot ay “Wala dahil busy Red Cross volunteers sa pagtulong sa mga taong nasugatan sa 9/11”. Ang pamimigay ng kape at sandwiches ay last priorities nila. Naitanong tuloy ni Lt. Marra sa sarili: Multo kaya ang Red Cross Lady?