ISUSUNOD na si ex-BuCor chief Gerald Bantag, ang alleged mastermind sa pagpaslang sa journalist na si Percival Mabasa aka Percy Lapid. Accounted for o nadagit na ang VIP wanted persons, tulad nina ex-Negros Oriental Rep. Arnie Teves, ex-Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, at Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy na humaharap sa mga kaso.
Si Teves ay kasalukuyang naka-house arrest sa East Timor, si Guo ay naaresto sa Indonesia, samantalang si Quiboloy ay sumuko o inaresto matapos ang 16 araw na pagsuyod ni PRO11 director Brig. Gen. Nicolas Torre sa KOJC compound sa Davao City.
Ang tanong sa ngayon ng mga kosa ko, may kumikilos pa ba sa PNP at AFP para hulihin si Bantag, na halos dalawang taon nang nagtatago matapos maisyuhan ng arrest warrant sa pagpaslang kay Percy Lapid? Abayyy mailap ang hustisya sa pagkamatay ni Percy Lapid! Ang sakit sa bangs nito!
Si Guo ay nakakulong sa Camp Crame matapos ma-contempt ng Senado dahil sa paulit-ulit na pagsinungaling sa Senate hearing nitong Lunes. Hindi nagustuhan ng mga kagulang-gulang…este kagalang-galang na mga Senador ang mga sagot ni Guo sa kanilang mga tanong. Kaya naman umiiwas sumagot si Guo sa katanungan ng mga Senador ay dahil, ayon sa kanya, may ongoing siyang kaso sa Comelec at baka ma-incriminate niya ang kanyang sarili. May punto si Guo, di ba kosang Atty. Lenny Mauricio?
Kung sabagay hindi na takot makulong si Guo dahil, matapos maiuwi sa Pinas galing Indonesia, ikinulong siya sa custodial center ng Camp Crame sa dating selda ni ex. Sen Leila de Lima. Mismooo! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Si Quiboloy naman ay nasa Camp Crame rin nakakulong habang mainit pa ang usapin kung sumuko ba siya o inaresto. Sa tingin ng mga kosa ang importante ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Quiboloy at mananagot siya sa mga kasong hinaharap sa korte sa Pinas at sa U.S. Get’s n’yo mga kosa?
Teka, teka, may nakabitin pang tanong ang mga kosa ko. Kanino mapupunta ang P10 reward money na ini-offer para mapasakamay ng gobyerno si Quiboloy? Bahala na si Torre d’yan kasi siya naman ang may alam kung sino ang informants niya, di ba mga kosa? Eh di wow! Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan?
Ang kasunod na trabahuhin ng mga awtoridad natin ay ang pagbalik sa bansa ni Teves na humaharap din sa kasong murder. Baka sa linggong ito ay sa Pinas na si Teves. At ang magandang balita, kapag na-deport na sa Pinas si Teves, ang isusunod na hanapin, ala Quiboloy, ay si Bantag na matagal na ring nakaligtaan ng mga PNP at AFP units natin. Hindi kaya! Bakit? Kasi ayon kay Maj. Gen. Westrimundo “Patrick” Obinque, ng PNP intelligence, tinatrabaho nila si Bantag. Dipugaaa!
Saan kaya nagtatago si Bantag? Secret! ‘Yan ang sagot ni Obinque. Matagal na kasing nanahimik ang kaso ni Bantag at walang Marites kung saan siya matatagpuan. Mismooo! May nagsasabi naman na si Bantag ay nagtatago lang sa Cordillera Region, kung saan marami rin siyang disipulo tulad ni Quiboloy. Napapaligiran din umano si Bantag ng armadong followers na handang lumaban? Dapat na sigurong ilipat si Torre sa Cordillera para ma-zero rin si Bantag. Sanamagan! Abangan!