Maid of Honor (239)

NANG tumayo si Ram para kumuha ng pagkain sa kitchen, masinsinang kinausap ni Mommy Celia si Yana.

“Yana, tatapatin kita. Gusto kita para kay Ram. Napi-feel ko na mabuti at mabait ka. Ikaw ang babaing nababagay kay Ram. Gusto ko, ikaw ang makasama ni Ram habambuhay. Nagsasabi ako nang totoong laman ng aking puso, Yana.’’

Saglit na hindi nakasagot si Yana pero masayang-masaya siya sa sinabi ni Mommy Celia. Pakiramdam ni Yana, nasa alapaap siya dahil sa mga sinabing papuri ni Mommy Celia.

“Salamat po Tita sa mga sinabi mo. Masayang-masaya po ako at tinatanggap mo ako. Pero gusto ko po lamang ipabatid sa iyo na ako ay kasambahay. Dahil po sa pagiging kasambahay kaya ako nakapag-aral at natulungan din ang aking mga magulang. Nagmula po ako sa mahirap na pamilya.’’

Napangiti si Mommy Celia na hinawakan ang kamay ni Yana.

“Alam ko na noon pa na isa kang kasambahay. At ano naman ang deperensiya kung isa kang kasambahay? Malinis na trabaho ang pagiging kasambahay. Wala akong nakikita na dapat ikahiya. At sabi mo ay galing ka sa mahirap na pamilya. Hindi ako tumitingin sa estado ng buhay. Ang gusto ko ay maging maligaya si Ram sa isang babaing katulad mo. Ikaw ang perfect na babae para kay Ram.’’

Biglang napayakap si Yana kay Mommy Celia at umiyak.

Hinagod ni Mommy ang likod ni Yana.

(Itutuloy)

Show comments