HUMARAP na kahapon sa pagdinig ng Senado ang napatalsik na Bamban, Tarlac, Mayor Alice Guo makaraan ang limang buwan na pag-iwas at pagtatago sa komite na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros. Pero wala ring napiga ang mga senador kay Guo sapagkat matigas pa rin na itinatanggi ang mga paratang. Inaasahan na sa pagdalo niya kahapon ay may isisiwalat o aaminin sa mga senador subalit walang nakuha sa kanya. Maski ang sinasabing nagbabanta sa kanyang buhay ay ayaw nitong sabihin. Na-cite in contempt siya kahapon dahil sa pagsisinungaling. Tumakas si Guo noong Hulyo 18 habang nasa kainitan ng pag-iimbestiga sa kanya ng Senado at naaresto sa Indonesia noong Setyembre 5. Naibalik siya sa bansa kinabukasan.
Maraming natuwa sa pagkakaaresto kay Guo na nahaharap sa maraming kaso kabilang ang money laundering, illegal gambling at human trafficking. Nahuli siya ng Indonesian police sa bahay ng isang monk na ginuguwardiyahan umano ng isang sindikato. Pero bago iyon, marami na umanong pinagtaguan si Guo sa tulong na rin ng mga Chinese at Indonesian. May mga tao umanong nagpuprotekta kay Guo. Pero sadyang mahusay ang Indonesian police at naamoy ang pinagtataguan ni Guo. Nasorpresa si Guo nang dakmain ng mga pulis.
Nang pumutok ang balita na naaresto na si Guo, agad namang nagtungo sa Indonesia sina DILG Sec. Benhur Abalos, PNP chief Rommel Marbil at mga agents ng National Bureau of Investigation at Bureau of Immigration. Sumakay sila sa isang private plane na ayon kay Abalos ay pinahiram ng kaibigan. Hindi raw gumastos ang gobyerno sa eroplano.
Agad pinrisinta ng Indonesian police si Guo kina Abalos at Marbil. Nakaharap nina Abalos at Marbil si Guo na nakangiti pa nang kamayan ng dalawang government officials. Sabi ni Guo kay Abalos, gusto na raw talaga niyang sumuko dahil may mga banta sa kanyang buhay. Magpapatulong daw siya kay Abalos. Hindi naman sinabi ni Guo kung sino ang nagbabanta sa kanya. Ang nakapagtataka, sa halip na matakot sa banta, nakangiti pa rin si Guo. Sabi naman ni Abalos, basta sabihin lang ni Guo ang lahat ng mga nalalaman nito. Nagpalitrato pa si Guo na nakangiti kasama sina Abalos, Marbil at mga ahente ng National Bureau of Investigation at Bureau of Immigration.
Subalit patuloy pa rin ang pagmamatigas ni Guo at “pinaiikot nang pinaiikot” ang mga senador. Nalinlang na niya minsan ang mga senador at ngayon ay nagsisimula na naman siyang humabi ng mga kasinungalingan.
Dapat bantayan si Guo sapagkat maaaring may malaking organisasyon na nasa likod niya. Nakapagtataka ang katigasan niya na kahit yata putulin ang daliri ay hindi magsasabi ng totoo. Patuloy ang paghahabi niya ng kasinungalingan