Dear Attorney,
Nag-isyu ako ng mga tseke bilang pambayad sa aking supplier para sa tinatayong negosyo. Sa kasamaang palad, nagkasakit ang aking asawa kaya naubos ang laman ng account na panggagalingan ng pondo sa mga tsekeng inissue ko. Dahil tumalbog ang mga tsekeng inisyu ko, nagbanta ang aking supplier na kakasuhan niya raw po ako ng B.P. 22 dahil tumalbog ang mga tsekeng inisyu ko. Ito’y kahit ito ang unang beses na tumalbog ang mga tsekeng inisyu ko sa kanya at nangako naman akong babayaran ang halaga ng mga tseke. Maaring ba akong makasuhan dahil sa pagtalbog ng tseke kahit wala naman akong intensyong manloko? — Luke
Dear Luke,
Maari kang masampahan ng kaso sa ilalim ng Batas Pambansa Bilang No. 22 (BP 22) o Anti-Bouncing Check Law. Nakasaad sa nasabing batas na guilty sa krimen ang sinumang (1) mag-iisyu ng tseke bilang kapalit ng anumang halaga, (2) kahit na alam niyang walang pondo para sa nasabing tseke na naging sanhi ng (3) pagkaka-dishonor sa tseke ng banko o pagtalbog nito. Base sa mga ito ay maari ka ngang maihabla sa kasong BP 22.
Hindi mo maaring gawing depensa ang kawalan mo ng intensyong manloko dahil ang paglabag sa BP 22 ay isa sa mga krimen na kung tawagin ay “mala prohibita.” Kapag ang isang krimen ay mala prohibita, hindi na mahalaga kung ang akusado ba ay may intensyong labagin ang batas at gawin ang krimen. Ang tanging titingnan lang ay kung ginawa ba niya ang lahat ng elemento ng krimen upang siya ay maparusahan sa ilalim ng batas na kanyang nilabag.
Iba naman ang mga krimen na tinatawag na “mala in se,” kung saan kailangang mapatunayan na may intensyong kriminal ang akusado upang siya ay mahatulang guilty. Ang mga krimeng mala in se ay karaniwang matatagpuan sa Revised Penal Code samantalang nakasaad naman sa mga espesyal na batas katulad ng BP 22 ang mga krimeng mala prohibita.
Dahil mala prohibita ang paglabag sa BP 22 ay maari kang makasuhan nito sa simpleng pag-iisyu ng tumalbog na tseke. Hindi mahalaga kung sinasadya mo ito o hindi dahil maaari kang mahatulang guilty basta’t napatunayang nilabag mo ang nasabing batas.