“ISASAMA kita sa bahay at ipakikilala kay Mommy,’’ sabi ni Ram habang hawak ang kamay ni Yana.
“Kailan?’’
“Bukas! Wala tayong pasok di ba?’’
“Sige. Siyanga pala, okey na ba ang lagay ng mom mo? Di ba sabi mo, dinala mo uli siya sa ospital?’’
“Oo pero isang araw lang siya sa ospital. Sabi ng doktor, pahinga lang ang kailangan. Kaya nga natuwa ako nang sabihin mo na may resort ang sister mong si Inah. Gusto kong madala si Mommy dun sa summer. Tamang-tama, graduate na tayo by April di ba. Gusto ko mag-stay sa isang lugar na tahimik, walang pollution at mga sariwa ang pagkain. Kayang-kaya naman ni Mama dahil marami siyang pera. Alam mo ba, Yana na nakamana nang malaki si Mom sa kanyang mga magulang ng bilyong piso? Maraming ari-arian ang mga lolo at lola ko. Sa iyo ko lang ito nasabi, Yana. Kaya panatag ang loob ni Mommy na kahit tumanda siya ay naka-secure na ang buhay. Pero alam mo ang dasal ko, humaba pa ang buhay ni Mommy. Sana maabutan pa niya ang mga apo mula sa akin—mula sa atin pala. Wish ko na malaro pa ni Mommy ang ating mga anak.’’
“Idadalangin ko ang mahabang buhay ng mommy mo, Ram.’’
“Salamat, Yana.’’
“Ang dasal daw ng mabuting anak ay dinirinig ng Diyos, Ram.’’
Napatangu-tango si Ram.
“So bukas, sunduin kita sa inyo at dadalhin kita sa bahay, okey?”
“Oo.’’
“Tiyak na matutuwa si Mommy kapag nalaman na mag-sweetheart na tayo.’’
“Magustuhan kaya ako ng mommy mo?’’
“Oo naman. Matagal na kitang ikinukuwento sa kanya.’’
Nakadama ng kakaibang kaligayahan si Yana. Mahal na mahal talaga siya ni Ram. Damang-dama niya ang pag-ibig ng lalaking mahal na mahal din naman niya.
(Itutuloy)