NARARAPAT palalimin ang imbestigasyon sa sinasabing mga inaamag at bulok na pagkain sa school-based feeding program ng Department of Education (DepEd) noong nakaraang taon sa ilalim ng pamumuno ni Vice President at DepEd Sec. Sara Duterte. Sampung rehiyon sa bansa ang hindi nakinabang ng feeding program na may budget na P5.69 bilyon.
Ayon sa Commission on Audit (COA), nasa 21 Schools Divisions Office sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nakaranas ng pagkaantala o hindi nadeliber sa oras ang pagkain at gatas. Bukod sa naantala, sinabi ng COA na inaamag at nabubulok na ang mga pagkain gaya ng nutribun. Pinansin din ng COA na hindi maayos ang pagkakabalot ng mga pagkain at walang expiration date ang mga ito.
Pinatotohanan naman mismo ni DepEd Sec. Juan Edgardo Angara, ang mga nakitang insekto sa Karabun/Milky bun at E-nutribun (squash) na diniliber sa kanyang probinsiyang Aurora. Sa Bulacan, ang mga ipinadalang pagkain ay hindi napakinabangan ng mga mag-aaral sapagkat sira na.
Sa Camarines Sur naman, ang P100 milyong halaga ng pagkain ay hindi umano dumating at ang supply contract para sa gatas ay hindi umano nalagdaan. Sa Palawan, ayon pa rin sa audit report, nauna umano ang pagbabayad sa supplier kaysa sa pagdating ng mga pagkain.
Ayon pa sa report may mga rehiyon na atrasadong dumating ang gatas at mayroon walang dumating sa buong school year. At nangyari iyon kahit na-release na ang pondo sa unang quarter pa lamang ng 2023.
Sinabi naman ng isang opisyal ng DepEd na kino-consolidate na nila ang mga ulat ng COA. Kamakailan lamang umano nila natanggap ang notices ng ahensiya. Ayon pa sa opisyal, ang mga sirang nutribun at gatas ay ibinabalik sa supplier upang palitan. Wala umanong gagastusin dito ang gobyerno.
May pait sa tinig ni Secretary Angara nang sabihin na maaaring ma-blacklist ang supplier sa nangyaring kapalpakan. Ayon kay Angara, kung mahina ang performance ng supplier tiyak daw na hindi na ito makakabilang.
Sa nangyaring ito na nagkaroon ng kapalpakan ang feeding program ng DepEd, ang pera ng taumbayan ang nasayang. Napakalaki ng P5.69 bilyon na pondo para sa programa pero panis at bulok ang nadeliber at maraming hindi dumating sa takdang panahon. Hindi masisisi kung ang mga bata ay mahina ang performance sa klase sapagkat ang inaasahang sustansya sa pagkaing kaloob ay panis at inaamag.
Magkaroon nang malalimang imbestigasyon sa kapalpakang ito ng DepEd at panagutin ang mga nagkasala. Walang dapat makalusot dito.