EDITORYAL - Anomalya sa COVID funds, halukayin pa
SINAMPAHAN na ng kasong graft ng Office of the Ombudsman sina dating DOH Secretary Francisco Duque III at dating Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) executive director Lloyd Christopher Lao. May kaugnayan ito sa maanomalyang paglilipat ng P47.6 bilyong pondo para sa COVID-19 noong 2020. Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, nilabag nina Duque at Lao ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Noong nakaraang Hunyo, sinabi ni Duque sa pagdinig sa Senado na may basbas ni dating Presidente Duterte ang paglilipat ng COVID funds sa PS-DBM. Ayon naman kay Duterte, wala raw siyang matandaan na sinabi niya iyon.
Noong Mayo ng kasalukuyang taon, ipinag-utos ng Ombudsman ang pagsasampa ng kaso kina Duque at Lao. Ayon kay Martires, dahil hindi na maaring ipataw pa ang dismissal kina Duque at Lao, ang kaparusahan na maaring ipataw sa mga ito ay katumbas ng kanilang suweldo ng isang taon na kailangang bayaran sa tanggapan ng Ombudsman. Ang desisyon ay nilagdaan noong Mayo 8, 2024.
Matatandaan na noong Agosto 2023, ipinag-utos na ng Office of the Ombudsman ang pagsibak sa puwesto at pagsasampa ng kaso laban kina Lao at Overall Deputy Ombudsman Warren Lex Liong dahil sa maanomalyang pagbili ng bilyong pisong halaga ng medical supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corp. noong 2020.
Napatunayan ng Ombudsman na dapat sampahan ng kaso sina Lao at Liong at iba pang opisyal at empleyado ng PS-DBM. Kasama rin sa sinibak sa puwesto si PS-DBM procurement management officer Paul Jasper de Guzman. Kinuwestiyon noon ng mga senador kung bakit hindi kinasuhan ng plunder si Liong. Binatikos din kung bakit hindi kasama sa kinasuhan si dating presidential adviser Michael Yang, associate nito na si Lin Wei Xiong at asawang si Rose Lin. Si Yang ay presidential adviser ni dating President Duterte.
Ang Pharmally officials na kinasuhan ng Ombudsman ay sina Twinkle Dargani, President; Mohit Dargani, treasurer and secretary; Linconn Ong at Justine Garado, mga directors at Huang Tzu Yen, board member. Ang Pharmally Pharmaceutical Co. ang nakakuha ng kontrata para mag-supply ng equipment sa kabila na ang capital nito ay P600,000 lamang. Ang iba pang PS-DBM officials na kinasuhan ng Ombudsman ay sina Christine Marie Suntay, Webster Laurenana, August Ylagan, Jasonmer Uayan at Krizle Grace Mago.
Pera ng taumbayan ang sangkot sa anomalyang ito kaya nararapat mahalukay at pagbayarin ang lahat ng mga sangkot. Dapat silang maparusahan sa pangungurakot.
- Latest