MAHIGIT 6,000 drug suspects ang napatay sa drug campaign ng Duterte administration na nagsimula noong 2016. Hindi na nakapagtataka kung bakit ganito karami ang napatay na drug suspects noon. Mayroon palang quota ang mga pulis na dapat ay may 50-100 na drug suspects na mahuhuli o mapapatay araw-araw. At may pabuya kapag naabot ang quota. Tumataginting na P20,000 sa bawat mapapatay na drug pusher. Ang reward money ay galing sa kita ng POGO operations at sa Small Town Lottery (STL).
Ito ang kinumpirma ni Col. Jovie Espenido nang humarap siya sa pagdinig ng Quad Committee ng House of Representatives noong Miyerkules. Si Espenido ay dating police chief ng Albuera, Leyte at Ozamiz City, Misamis Occidental sa panahon ng drug war.
Hindi lamang daw pera mula sa POGO at STL ang ginagamit na reward kundi pati na rin ang intelligence funds. Ibinibigay umano ang pera sa police regional commanders at provincial commanders at ang mga ito naman ang nagbibigay sa grupo o mga indibidwal na nakapatay ng drug pushers. Pero sabi ni Espenido, sa kanyang pamumuno, iniwasan umano niya na walang mapatay na drug suspects sa Albuera at Bacolod.
Noon pa, napabalita na ang quota at reward system sa PNP kaugnay sa drug war. Ang PNP sa panahon ni Duterte ay pinamumunuan ni Ronald “Bato” dela Rosa ngayon ay senador. Pinabulaanan naman ni Bato na may quota system sa PNP noon. Nadismaya naman ang PNP sa mga sinabi ni Espenido. Nasira umano ang imahe ng pambansang pulisya dahil sa pahayag.
Ang pagsasalita ni Espenido ay nagpapatotoo na binigyan ng lisensiya ang mga pulis para maghanap ng drug pushers subalit inabuso nang todo. Hindi na iginalang ang karapatan ng kapwa para lamang makakuha ng pabuya.
Daming pulis ang nakulapulan ng dugo sa kamay sapagkat maraming inosente ang nadamay kabilang ang mga kabataan. Kabilang sa mga naging biktima ng madugong war on drugs ng Duterte administration ay sina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman. Si Kian ay sapilitang inaresto ng mga pulis sa Caloocan City at saka walang awang binaril habang nakaluhod at nagmamakaawa. Si Arnaiz ay tinaniman ng droga saka pinatay. Si Kulot ay sinunog at natagpuan ang bangkay sa Nueva Ecija.
Nararapat magkaroon ng imbestigasyon sa nangyaring drug campaign noong Duterte administration. Panagutin ang mga nagkasala. Isilbi ang hustisya sa mga inosenteng napatay ng mga pulis na “uhaw sa dugo”.