MAY dalawang malaking kaso ngayon na humahamon sa kakayahan ng estado na patunayang umiiral ang sistema ng hustisya sa Pilipinas. Ang una’y ang kaso ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na pinaaaresto ng Senado dahil sa hindi pagsipot sa huling pagdinig hinggil sa pagkakasangkot nito sa POGO.
High profile ang kaso ni Guo dahil sa pagdinig ng Senado. Peke ang kanyang pagiging Pilipino, sangkot siya sa POGO at iba pang ilegal na gawain. Sinampahan na siya ng kasong tax evasion at qualified human trafficking. Pero nakapuslit ng bansa si Guo. Maraming mga tanong sa kanyang misteryosong pagkawala: Paano siya nakalusot sa immigration at sa airport? Bakit hindi kaagad kinansela ang kanyang passport? Bakit hindi nag-isyu ng hold departure order ang Department of Justice?
Galit na galit si Presidente BBM, sapagkat ang pangyayaring ito’y isang malaking kahihiyan at lumilikha ng pagdududa sa sistema ng ating hustisya. Only in the Philippines—‘yan ang himutok nating lahat!
Lalo namang high profile itong ikalawa, ang kaso ni Pastor Apollo Quiboloy, lider ng iglesyang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City. Dalawang korte na ang nagpalabas ng warrant of arrest laban kay Quiboloy sa kasong qualified human trafficking at child abuse. Si Quiboloy ay wanted din ng U.S. Federal Bureau of Investigation dahil sa kasong sex trafficking ng mga bata, panloloko, pamimilit at pagpupuslit nang malaking halaga ng dolyar sa U.S.
Kinailangan ang 2,000 pulis upang pasukin ang 30-ektaryang compound ng KOJC para lamang i-serve kay Quiboloy ang warrant of arrest. Pero hanggang sa sinusulat ito’y hindi pa matagpuan si Quiboloy na sinasabing nagtago sa loob ng isang bunker sa napakalawak niyang ari-arian. Nakasagupa ng mga pulis ang libu-libong mga tagasunod ni Quiboloy na gagawin ang lahat para protektahan ang kanilang lider.
Ang Regional Trial Court Branch 15 sa Davao City ay nag-isyu ng Temporary Protection Order na nag-uutos sa pulisya na itigil ang anumang pagkilos na maglalagay sa panganib sa buhay, kalayaan at siguridad ni Pastor Quiboloy. Nauna rito, sa kahilingan ng Department of Justice ay iniutos ng Supreme Court ang paglilipat ng mga kaso laban kay Quiboloy mula sa Davao City tungo sa Quezon City, sa pangambang laging papaboran ng korte sa Davao City si Quiboloy.
Ang totoo, ito ang malungkot sa ating sistema ng hustisya, lagi itong nakapabor at nakakiling sa mayayaman at makapangyarihan. Ang mayayaman at makapangyarihan ay nakakakuha ng magagaling na abugado na dahil sa kahusayan ay kayang ipanalo ang kliyente kahit na ito ang totoong nagkasala.
Sa kabilang dako, ang mahirap na akusado, kahit walang kasalanan, ay nahahatulan dahil mahina ang abogado. Ilan kaya ang mga walang kasalanan, pero nakakulong? At ilan naman ang mga may kasalanan, pero malaya?
Dapat palakasin ang sistema ng ating hustisya upang lumakas ang ating republika. Kung paanong pinagsisikapan ng gobyerno na palakasin ang ating ekonomiya, lalo namang dapat pagsikapang palakasin ang ating hustisya. Ang isinasalba ng hustisya ay ang ating dangal at karapatan bilang mga nilikhang kawangis ng Diyos.
Ang ating Diyos ay Diyos ng hustisya, kung kaya’t ganito ang tagubilin sa Isaias 1:17, “Pag-aralan ninyong gumawa ng makatwiran; pairalin ang katarungan; tulungan ang inaapi; ipagtanggol ninyo ang mga ulila, at tulungan ang mga biyuda.”