SERYOSO ang naging pahayag ni Lt. Col Jovie Espenido na isang “biggest crime group” ang Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Spokesperson Col. Jean Fajardo, hindi aniya biro ang naging akusasyon ni Espenido na mismong ang PNP ang sindikato na nilalabanan din ng kapwa pulis. Nakaka-demoralize umano ang ganitong pahayag dahil maraming pulis ang tapat at nagbuwis ng buhay para gampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin.
Bagama’t batik ito sa integridad ng PNP, hindi naman sila magiging balat sibuyas kundi gagawin itong challenge o hamon upang patunayan na hindi sila ganoon.
Sa kabilang banda, handa naman aniya ang PNP na tulungan si Espenido kung mayroon nga itong hawak na matibay na ebidensya na magpapatunay sa korapsyon ng ilang tiwaling pulis.
Pero siyempre naman kung hindi nga naman nito mapapatunayan ay dapat lang na mapanagot ito.
Damage has been done, ika nga lalo’t ang kanyang inaakusahan ay mismong organisasyon na kanyang kinabibilangan.
Hindi nga ba’t bukod sa naging akusasyon nito sa PNP, ibinulgar din nito na ginawa umano siyang scapegoat nina dating Pangulong Digong at dating PNP chief Bato Dela Rosa sa madugong drug on war ng nakalipas administrasyon na ngayon nga ay dinidinig sa Kamara.
Sa kasalukuyan, si Espenido ay nakatalaga sa Police Regional Office 8 sa Leyte.
Tatlong buwan na lang at nakatakda na itong magretiro sa serbisyo pagsapit sa kanyang ika-56 na kaarawan.
Anu’t anuman kailangang mabusisi ito nang husto at lumabas kung ano ang katotohanan.