MATINONG albularyo si Mang Cincio. Matino dahil ang ginagawa lang niya ay manggamot. May albularyo kasi na nanggagamot pero nangkukulam din.
Isang araw, may dinala kay Cincio na lalaking namimilipit sa sakit ng tiyan. Ang tiyan ay parang lobo na tila nilagyan ng hangin at mukhang puputok na ito sa sobrang laki. Ang mga albularyo ay para ring mga doktor. Iniinterbyu nila ang pasyente upang malaman ang puno’t dulo ng kanyang sakit.
Sa sobrang sakit ng nararamdaman ay hindi na nakuha pang makapagsinungaling ang lalaking pasyente na nagngangalang Gado. Noong isang araw ay nakipag-inuman siya sa mga kabarkada na ang pulutan ay adobong manok.
Bago siya mamulutan ay naikuwento ng mga kainuman na ang manok ay ninakaw ng mga ito sa poultry ni Paeng. Magkaganoon pa man, tuluy-tuloy pa rin ang paglapang niya sa manok. Wala siyang pakialam dahil magkaaway sila ni Paeng.
Pagkatapos marinig ni Cincio ang kuwento ay nagpasya itong dalhin si Gado kay Paeng na isa rin albularyo. May nakaraang away ang dalawa at sa tingin niya ay si Paeng lang ang makagagamot kay Gado dahil natitiyak niyang ito mismo ang kumulam sa pasyente. Pagkatapos ng gamutan at paghingi ng tawad ni Gado tungkol sa nakaraan nilang away, naitanong nito kay Paeng:
“Bakit hindi naman ako kasali sa pagnanakaw ng manok pero ako ang pinarusahan mo?”
“Pinarusahan ko pati ang mga kainuman mo. Kita mong nagsakitan din ang kanilang tiyan at mga nagtae.”
“Bakit ako lang ag lumaki ang tiyan?”
“Kasi alam mo nang nakaw ito pero sige ka pa rin sa pagkain ng nakaw na manok. Kung hindi ka kumain, hindi ka tatablan. Kinunsinti mo ang mga kasama mo dahil galit ka sa akin. At dahil sa galit na iyon kaya mabilis kang tinablan ng kulam.”