Dear Attorney,
Ano po ba ang pagkakaiba ng subpoena sa warrant of arrest? Kapag nakatanggap ba ako ng subpoena, makukulong ba agad ako?—Helen
Dear Helen,
Magkaiba ang subpoena at warrant of arrest.
Ang subpoena, kapag ang pinag-uusapan ay mga kriminal na kaso, ay ipinadadala ng nag-iimbestigang prosecutor o piskal sa inireklamo ng criminal complaint bilang bahagi ng tinatawag na preliminary investigation.
Mababasa sa subpoena ang reklamo at ang utos na magsumite ng counter-affidavit kung saan maaring pabulaanan ng inirereklamo ang krimeng iniaakusa sa kanya.
Puwede ring isama sa isusumiteng counter-affidavit ang mga dokumento at iba pang mga ebidensya na susuporta sa kanyang mga babanggiting paliwanag at depensa.
Dahil dito, hindi kaagad ibig sabihin na makukulong ang isang nakatanggap ng subpoena dahil pag-aaralan muna ng piskal kung may sapat bang ebidensiya ang naghain ng kaso.
Titimbangin din ng piskal ang anumang depensa na ilalatag ng inirereklamo at saka lamang magkakaroon ng desisyon kung kailangan bang iakyat ang kaso sa husgado.
Kapag iniakyat na ang kaso ay saka pa lamang maaring mag-isyu ng warrant of arrest ang korte upang ang inireklamo ay ipaaresto at ipakulong.