NOON pang Nobyembre 2023 ginawa ang libro ni Vice President Sara Duterte na may pamagat na “Isang Kaibigan”. Kuwento ito ng magkaibigang kuwago at loro. Nasira ang pugad ni Kuwago na nasa sanga ng mangga nang tamaan ng bagyo. Tinulungan siya ng kaibigang Loro. Hindi siya iniwan ni Loro sa pagkakataong iyon at pinatunayan ang pagiging matalik na kaibigan. May iba pang kaibigan si Kuwago pero si Loro lamang ang tanging naiwan at tinulungan siya hanggang ganap na magawa muli ang pugad at nakabangon sa hirap. Tunay na kaibigan si Loro. Labing-anim na pahina ang libro at ipamamahagi sa mga bata kasama ang iba pang gamit.
Tumataginting na P10 milyon ang nakalaang budget sa libro. Kasama ito sa pondong P2.037 bilyon na budget na hinihingi ng Office of the Vice President para sa 2025.
Hinihimay ng Senate finance committee na pinamumunuan ni Sen. Grace Poe ang budget ng OVP at naroon si Sara bilang resource person. Tinanong ni Senate Deputy Minority Leader Sen. Risa Hontiveros si Sara ukol sa children’s book. Gustong malaman ni Hontiveros kung ano ang nilalaman ng libro. “Puwede po bang sabihin…more tungkol sa librong ito?” tanong ni Hontiveros kay Sara.
Pero sa halip na sagutin o ipaliwanag ni Sara ang nilalaman ng kanyang libro ay inakusahan niya si Hontiveros na “namumulitika”. Sa pagdinig ding iyon sinabi ni Sara ang ginawang paghingi ng tulong sa kanya ni Hontiveros noong tumakbo itong senador. Pero nang manalo raw ito, ang unang binanatan ay ang kanyang ama na si dating President Rodrigo Duterte. Sinabi rin ni Sara na hindi ipinagbibili ang libro. Ang binayaran lang daw ay ang publication. Sabi pa ni Sara, padadalhan niya ng kopya si Hontiveros para malaman nito ang nilalaman ng libro.
Malayo ang sagot ni Sara sa tanong ni Hontiveros. Dapat sinagot niya na ang nilalaman ng libro ay tungkol sa pagkakaibigan. Iyon lang. Napakasimple. At hindi na sana naging mitsa ng pagtatalo.
Kung bubusisiin, masyadong mahal ang libro para sa P10 milyon na pondo. Sa halip na inimprenta ang libro ay ginawa na lang sana ito online at pinost sa FB at YouTube. Makakatipid na ay marami pa ang makababasa. Hindi na sana inimprenta sapagkat ubod nang mahal ang magagastos lalo at colored ito. Nasayang lang ang pera na nagmula sa buwis ng taumbayan! Hindi na rin sana ito naging ugat ng pagtatalo. Naging kontrobersiyal ang librong pambata.