MAY tatlong uri ng kasinungalingan: kasinungalingan, grabeng kasinungalingan, at statistics. Ang pangungusap na ito’y nanggaling kay 19th century British Prime Minister Benjamin Disraeli. Ibig sabihin, ang statistics ay maaaring gamitin para iligaw ang tao o para itago ang isang katotohanan.
Tila ito ang nangingibabaw na reaksyon ng publiko sa inilabas na statistics ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsasabing bumaba ang bilang ng mga Pilipinong mahirap. Mula sa 19.9 milyon noong 2021 ay 17.5 milyong Pilipino na lamang ang mahirap noong 2023. Base ito sa sukatang ginagamit ng gobyerno na nagsasabing ang isang pamilyang may limang miyembro ay nangangailangan lamang ng P13,873 buwanang suweldo para matugunan ang gastusin sa pagkain, upa sa bahay, transportasyon, kuryente, tubig, kalusugan, edukasyon, at iba pang pangunahing pangangailangan. Napakahirap isipin na ito’y malapit sa katotohanan!
Lalo namang napakalayo sa katotohanan ang sinabi ng National Economic Development Authority (NEDA) na sapat na ang P64 na budget araw-araw para makakain ang isang miyembro ng pamilya ng kumpletong almusal, pananghalian at hapunan. Ito’y average lamang na P21 gastusin para sa bawat meal o pagkain. Saan kaya makabibili ng ganitong magic meal? Ano kaya ang sangkap ng pagkaing ito? May sustansya pa kaya ito? Tanong ng marami.
Ano ba ang totoo? Kamakailan ay naglabas ang Social Weather Stations ng resulta ng self-rated poverty o bilang ng mga Pilipino na itinuturing ang kanilang sarili na mahirap. Batay sa resulta ng survey, 48 porsyento ng 110 milyong Pilipino, o 52.8 milyong Pilipino ang naniniwalang sila’y mahirap. Maraming ekonomista ang nagsasabi na mas makatotohanan ito kaysa statistics ng PSA at NEDA, sapagkat mula mismo ito sa mga taong nakararanas ng kahirapan.
Sabi ng Ibon Foundation, napakababa at hindi makatotohanan ang ginagamit na batayan ng gobyerno para ituring na mahirap ang isang Pilipino. Isang katotohanang hindi mapasusubalian, ang Pilipinas ang pinakamahirap sa ASEAN at isa sa pinakamahirap sa Asya, tinalo pa tayo ng Cambodia, Laos, at Myanmar.
May direktang kaugnayan ang katiwalian sa kahirapan. Ang pinakatiwaling bansa sa buong mundo ay ang Somalia, isa sa pinakamahirap na bansa sa buong mundo. Ang may pinakamababang katiwalian ay ang Denmark, isa naman sa pinakamayamang bansa sa buong mundo.
Ang Pilipinas ay isa sa pinakatiwaling bansa sa buong mundo at nabibilang din sa isa sa pinakamahirap. Nakalulungkot na tila hindi prioridad ng kasalukuyang administrasyon ang paglaban sa katiwalian.
Bunga ng hindi makatotohanang statistics sa kahirapan, hindi makapagsasagawa ng epektibong programa upang sugpuin ang kahirapan. Maraming mahihirap ang patuloy na mapagkakaitan ng kailangang tulong. Habang ang statistics ay malayo sa katotohanan, mananatili tayong alipin ng kahirapan.
Mas mainam nang aminin na patuloy na dumarami ang bilang ng mga Pilipinong naghihirap. Mas mainam nang itaas ang poverty threshold o ang pinakamababang kinikita ng isang tao o pamilya para maituring na hindi siya mahirap.
Mas mainam nang sabihin na hindi sapat ang P21 para makakain ng masustansyang pagkain. Masakit ang katotohanan, ngunit ito lamang ang tanging makapagpapalaya sa atin. Sabi ni Hesus, “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Kung makatotohanan ang statistics, pangit man ang lumabas na larawan ay pansamantala lamang, sapagkat ito’y mapapaganda, kaysa palabasing maganda, pero sa totoo’y pangit.