‘Langaw’

(Last part)

UNANG dating ko sa Riyadh ay napansin kong wala ni isa mang langaw. Maayos kasi ang disposal ng basura. Halos oras-oras ay may dumaraang basura. Malalaki rin ang kanilang basurahan. Kaya napanatag ang kalooban ko.

Maski sa aming messhall ay wala akong nakita ni isa mang langaw. Sabi ng isa kong kasamahan, talagang wala raw langaw dahil mainit ang panahon. At nagbiro pa ang kasamahan ko na walang langaw sa Riyadh pero surot ay meron. At saka nagtawa nang malakas.

Maski sa sikat na pasyalan na tinatawag na Batha ay wala akong nakitang langaw. Kaya natuwa ako at nasabi sa sarili na magtatagal sigurado ako sa Saudi dahil wala ang kinatatakutan kong langaw.

Hanggang sa sumapit ang ilang araw naming bakasyon dahil Hajj. Sa isang lugar o park sa Al-Kharj nagkayayaan ang mga empleyado. Provide ng kompanya ang pagkain. Dinarayo raw ang park na iyon dahil sa ganda ng tanawin. Excited ako. Pasado alas nuwebe kami dumating sa park.

Noong una, wala naman akong napapansing kakaiba sa lugar. Malawak ang pasyalan. Malinis na malinis.

Subalit ang aking kasayahan ay napalitan ng pagkadismaya. Nang kakain na kami sa ilalim ng mga puno ng dates. Biglang lumusob ang maraming langaw. Para bang naamoy ang mga baon naming pagkain.

Nang tingnan ko ang aking styro box na may kanin at ulam, punumpuno iyon ng langaw! Mas marami pa ang langaw kaysa kanin!

Nagsuka ako nang nagsuka.

Hindi maipaliwanag kung bakit lumusob dun ang mga langaw. Mula noon hindi na ako sumama sa outing.

Show comments