^

Punto Mo

Malupit ang social media

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

PAMBIHIRA ang nagawa ng ating artistic gymnast na si Carlos Yulo, nakadalawa siyang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics. Siya ang unang Pilipino at Asyano na nakagawa nito at maaaring hindi na maulit. Dahil sa dalawang medalyang ginto, tinalo ng Pilipinas ang lahat ng bansa sa Southeast Asia. Nakakabilib talaga!

Bukod pa sa dangal, naghakot din si Yulo ng katakut-takot na kayamanan—milyung-milyong pisong handog mula sa gobyerno at pribadong sector, mamahaling condominium unit, house and lot, luxury car, at meron pang habambuhay na libreng eat all you. Nakakainggit talaga!

Pero may isang kaganapan na hindi nakakabilib at nakakainggit. Habang nagbubunyi ang lahat  sa tagumpay ni Yulo, ang kanyang ina na nagluwal sa kanya noong 2000, ay hindi natutuwa dahil sa alitan nilang mag-ina. Hindi raw siya proud sa kanyang anak. Nagpalitan sila ng mga maaanghang na salita sa social media.

Hindi ko layunin na ipagtanggol o pintasan ang sinuman sa kanila. Gusto kong ang pag-usapan natin ay ang dalawang mahalagang aral na makukuha natin sa kaganapang ito.

Una, hindi kumpleto ang tagumpay ng isang tao kung wasak ang kanyang pamilya. Ito sana ang labang unang napagtagumpayan ni Yulo. Hindi ganap ang kanyang tagumpay, may nawawala sa kanya, ang kanyang pamilya. Ang dalangin ko, pagkatapos sana ng kasayahan, may tumulong kay Yulo para sa pagbubuo ng kanyang pamilya.

Ito ang isang malaking problema ng makabago nating panahon. Maraming pamilya ang wasak: mga mag-asawang naghihiwalay, mga magkakapatid na nag-aaway-away. Hindi magagampanan ng isang pamilyang wasak ang misyon nito na tulungang ganap na lumago ang bawat miyembro ng pamilya sa aspetong pisikal, emosyonal, mental, sosyal at espiritwal.

Ang problemang pamilya ay humahantong sa problemang panlipunan, sapagkat ang katatagan ng isang lipunan ay nakasalalay sa katatagan ng pamilya.

Ikalawa, malupit ang social media, kasama na rin ang traditional media. S’yempre, ang dalawang ito’y maghahanap ng balita na kakagatin ng mga tao. Bukod sa medalya ni Yulo, kinagat ng mga tao ang awayan ng mga Yulo. Nag-viral, sabi nga.

Hindi sana nangyari ito, kung hindi naglabas ng sama ng loob sa media ang mga Yulo.  Humingi na ng paumanhin ang ina ni Yulo, pero sabi nga, nagawa na ang pinsala.

Ang aral, maghinay-hinay sa pagsasalita. Huwag magsasalita kapag galit. Hindi natin maiiwasang magalit, pero maiiwasan nating magkasala. Sabi sa Efeso 4:26, “Kung magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo’y magkasala.”

Anumang bitiwan nating salita’y mahirap nang bawiin, lalo na kung ito’y kumalat sa social media. Kaydaming nasirang relasyon dahil sa mapangwasak na mga posts sa social media. Maging batas natin ang batas na sinusunod ng mga sastre—sukating makalawa bago gupitin.

Isipin munang makalawa o higit pa bago bitiwan ang isang salita. “Kapag ang mga balahibo ng manok ay hinayaang matangay ng hangin, imposible nang ito’y damputin nang isa-isa,” ayon ‘yan sa matandang kasabihan ng mga Chinese.

Malaki ang tulong ng social media sa mabilisan at malawakang komunikasyon. Pero mabilis din at malawak ang maaaring maging pinsala nito sa reputasyon at relasyon ng mga tao.

Ang tanging magagawa natin ay mag-ingat at magpakatalino. Tayo ang dapat kumontrol sa social media, sa halip na hayaang ito ang kumontrol sa atin.

CARLOS YULO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with