EDITORYAL - Malalagim na sunog sa MM
Mula nang pumasok ang Agosto, sunud-sunod na ang mga sunog na naganap sa Metro Manila at malalagim sapagkat marami ang namatay. Tag-ulan ang Agosto pero tinalo pa ang Fire Prevention Month na Marso sa dami ng mga naganap na sunog.
Noong Agosto 1, isang lalaking may kapansanan ang namatay nang makulong sa nasusunog na bahay sa Paco, Maynila. Natagpuan ang bangkay ng PWD sa ikalawang palapag ng apartment sa 1441 Merced St., Barangay 681, Paco.
Noong Agosto 2, 11 katao ang namatay sa sunog na tumupok sa isang gusali sa Binondo, Maynila. Ayon sa Manila Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog dakong 7:20 ng umaga sa canteen na nasa ground floor n;g residential-commercial building sa Carvajal St. Ayon sa BFP, nagsimula ang sunog sa nag-leak na tangke ng liquified petroleum gas (LPG) ng canteen. Nakulong ang mga biktima sa ikalawang palapag ng gusali. Hindi nakalabas dahil sa kapal ng usok na kanilang ikinamatay.
Noong Agosto 5, dalawang volunteer firefighters ang sugatan habang mahigit 100 pamilya ang nawalan ng tahanan sa sunog na naganap sa Matimyas St. Sampaloc, Maynila. Ayon sa Manila Bureau of Fire Protection, dakong 10:25 ng umaga nang masunog ang ikatlong palapag ng isang bahay at kumalat sa iba pang mga bahay.
Noong Agosto 8, isang 69-anyos na lolo na may Alzheimer’s disease ang nakulong sa bahay na nasusunog sa Sampaloc, Maynila. Ayon sa Manila Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog sa isang two-storey apartment sa G. Tuazon St.
Noong Agosto 9, isang bodega ang nasunog sa Balut, Tondo, Maynila na inabot ng dalawang araw bago nakontrol. Maraming bumbero ang dinala sa ospital dahil nalapnos ang balat.
Ang mga sunog na naganap ay nagpapaalala sa mamamayan na mag-ingat. Hindi lamang sa tag-init nagaganap ang sunog kundi sa lahat ng panahon o oras. Hindi rin naman dapat tumigil ang Bureau of Fire Protection sa pagpapaalala sa mamamayan. Magkaroon ng regular na kampanya para makaiwas sa sunog.
Magkaroon din naman ng sigasig ang mga lokal na pamahalaan na mag-inspeksiyon sa mga gusali na ang karamihan ay walang fire exit at hindi sumunod sa building code. Hindi sana mangyari na kung kailan marami nang namatay sa sunog saka lamang magkakaroon nang paghihigpit.
- Latest