Sanay na ako sa baha. Mula nang lumuwas ako sa Maynila noong 1975 at nanirahan sa Dapitan, Sampaloc, halos taun-taon ay nakaranas ako ng baha. Nakatira ako sa aking matandang tiyahin na nagmamay-ari ng katamtamang apartment. Tatlo kaming pamangkin niya ang nakatuloy sa kanya.
Tuwing sasapit ang Hunyo ay sinasabihan na kami ni Tiya Marciana na maghanda. Lahat ng mga gamit gaya ng appliances ay ilagay sa patungan para hindi abutin ng baha. Kaya ang aming ref, tv at iba pang gamit ay may kanya-kanyang patungan.
Natatandaan ko, kapag umulan na ay nagdadasal kaming magpipinsan na huwag sanang maging malakas para hindi bumaha. Tiyak na kapag umulan ng isang oras, magiging dagat na sa Dapitan at ang mga bahay ay papasukin ng tubig.
Wala akong natandaan sa pagtira sa Dapitan na hindi bumaha mula Hunyo hanggang Agosto at mula Oktubre hanggang Disyembre.
Pero sa kabila na may dalang perwisyo ang baha sa marami, itinuring ko ang baha na may dalang suwerte.
Dahil sa baha, may mga natupad akong pangarap na hindi ko inakala na mangyayari.
Sunud-sunod ang nangyaring “suwerte” sa akin dahil sa baha noong dekada 70.
(Itutuloy)