(Last part)
Namatay si Lola Pelagia noong nasa ikalawang taon ako sa kolehiyo. Kumukuha ako ng Creative Writing course. Siguro ay namana ko kay Lolo Pedrito ang pagsusulat.
Madalas na sa bahay pa rin ako nina Lolo at Lola ako natutulog at sinasamahan ang aking matandang dalagang tiyahin na isang guro.
Nakasanayan ko na ang pagtagaktak ng trypewriter sa madaling araw at hindi na ako natatakot. Sa halip, tinuklas ko ang dahilan kung bakit nangyayari ang kababalaghang iyon na ako lamang ang nakararanas o nakaririnig nang mahiwagang pagtipa ng typewriter.
Naghalungkat ako sa lumang aparador na kinalalagyan ng mga nalathalang tula ni Lolo Pedrito sa Liwayway noong dekada 60 at 70.
At natuklasan ko ang dahilan kung bakit hindi siya matahimik at nagpaparamdam sa akin.
Ang mga lumang clippings ng kanyang mga nalathalang tula ay natutuluan ng ulan. Butas ang yero na nasa tapat ng aparador at doon nagdaraan ang tubig.
Marahan kong kinuha ang clippings na nasa malaking envelope at ibinilad para matuyo. Awa ng Diyos naisalba ko ang mga sinulat ni Lolo at makalipas ang isang linggo ay ipinalibro (hard bound) ko ang mga iyon para masigurong hindi masisira.
Mula noon, hindi na tumagaktak ang typewriter ni Lolo. Tahimik na ito.