EDITORYAL - Maghanap ng mga bagong Carlos Yulo

MAY kinabukasan ang bansa sa gymnastics. Ipinakita ito ni gymnast Carlos Yulo na nakakuha ng dalawang gold sa Paris Olympics. Unang pagkakataon na dalawang ginto ang nakuha ng Pilipinas—isa para sa floor exercise at isa para sa vault ng artistic gymnastics. Kahanga-hanga ang ginawa ni Yulo na nagpaningning sa bansa.

Dahil sa kanyang ginawa, ang Pilipinas pa lamang ang bansa sa Southeast Asia na nakakakuha ng gold habang sinusulat ito. Dahil din sa ginawa ni Yulo, dalawang magkasunod na araw na itinaas ang watawat ng Pilipinas at tinugtog ang Pambansang Awit.

Si Yulo ang ikalawang Pilipinong atleta na nakakuha ng ginto. Una si Hidilyn Diaz na nakakuha ng ginto sa weightlifting noong 2020 sa Tokyo Olympics.

Nagsimulang mag-training sa gymnastics si Yulo sa edad na pito. Ayon sa kanyangt lolo na si Rodrigo Frisco, nakita niyang pa-tumbling-tumbling sa isang playground na malapit sa kanilang lugar Leveriza St., Malate, Maynila. Madalas din itong makita na nanonood sa mga gymnasts na nagsasanay sa Rizal Memorial Colesium na malapit lamang sa kanilang tirahan sa Malate. Dahil sa nakitang pagkahilig ng apo sa gymnastics, dinala niya ito sa Gymnastics Association of the Philippines (GAP) at doon ito nagsanay.

Nang nag-aaral na si Yulo sa Aurora A. Quezon Elementary School, nagsanay siya para sa national games at naging bahagi ng gymnastics team ng National Capital Region. Habang nag-aaral ng high school sa Adamson University, sinusuportahan siya ng GAP sa kanyang mga pagsasanay sa gymnastics. Nakakuha rin siya ng scholarships sa Japan.

Ang mga sumunod ay ang pananagumpay ni Yulo sa larangan ng gymnastics. Ang pagiging disiplinado ang isa sa kanyang ipinapayo sa mga baguhang gymnasts.

Marami pang ibibigay na karangalan sa bansa si Yulo sapagkat bata pa siya—24 anyos.

Nagsisimula pa lamang ang magandang karera ni Yulo sa gymnastics. Pero dapat nang maghanap ang pamahalaan ng mga kabataang susunod sa kanyang yapak. Sabi ni President Marcos nang batiin si Yulo sa pagkakakuha ng ikalawang ginto, mayroon pa raw mga susunod sa binigay na karangalan ni Yulo sa bansa. Ibig sabihin, sa mga susunod sa Olympics ay makasusungkit muli ng ginto ang Pilipinas sa pamamagitan ni Yulo.

Ito na ang tamang panahon para suportahan nang todo ng pamahalaan ang gymnastics. Kasabay nito, umpisahan na ang paghahanap sa mga bagong Yulo. Suportahan din ang boksing at weightlifting na malaki ang tsansa na makasungkit ng medalya ang mga atletang Pilipino.

Show comments