Dear Attorney,
Puwede bang gawing testigo ang 12 taong gulang sa krimen? Balak ko po kasing magsampa ng criminal na kaso at iyong bata po ang nakakita sa krimen.
—Barry
Dear Barry,
Ayon sa Rule 130, Section 120 ng Rules of Court, “all persons who can perceive, and perceiving, can make their known perception to others, may be witnesses.” Ibig sabihin, lahat ng may kakayahang mawari ang nagaganap sa paligid nila, at may kakayahang ipaalam sa iba ang tungkol dito, ay maaring maging testigo.
Dagdag pa rito, nakasaad rin sa Rule on Examination of a Child Witness (A.M. No. 004-07-SC 15 December 2000) na ang lahat ng bata ay ipagpapalagay na kuwalipikado para tumestigo.
Base sa mga nabanggit, wala sa edad ang basehan kung maari bang tumestigo ang isang indibidwal. Ang mahalaga ay may nalalaman ang tetestigo sa mga bagay na may makabuluhang kaugnayan sa kaso at may kakayahan siyang ilahad sa ibang tao ang kaalaman niyang ito.
Dahil ipinapalagay kaagad ng batas na kuwalipikado para tumestigo ang isang bata, nasa tumututol na ang tungkulin para patunayan na hindi nga kuwalipikado ang bata.
Maari lamang tutulan ang pagtestigo ng isang bata kung mapatunayan halimbawa na wala siyang kakayahan na unawain ang mga bagay na kanyang nakikita o naririnig, na wala siyang sapat na pang-unawa para malaman ang totoo sa hindi, at iba pa ngunit hindi maaring maging tanging dahilan ang murang edad para kuwestiyunin ang pagtestigo ng isang bata.