NAKASALALAY kay Pangulong Bongbong Marcos kung itutuloy ba o sususpendihin na naman sa makailang ulit ang PUV Modernization Program (PUVMP).
Sa ngayon tinatawag itong Public Transport Modernization Program (PTMP).
Asahan na kung ano ng magiging desisyon dito ng pangulo may grupong magdaramdam kung hindi papabor sa kanila ang magiging desisyon.
Hati kasi dito ang pananaw ng transport groups.
May pabor na ituloy ito, meron namang tumututol sa pagpapatupad nito.
Umugong muli ang tungkol sa programang ito matapos na 23 senador ang maghain ng resolusyon para sa pansamantalang pagsuspinde sa PTMP.
Nagbunyi ang ilang grupo na tutol talaga sa programa dahil umano sa malaking bilang ng kanilang mga miyembro ay hindi nakasama sa konsolidasyon.
Umaray naman ang isang bahagi ng transport groups, lalo na yung mga tumugon sa programa at namuhunan na.
Pero kahapon mukhang nabuhayan ng loob ang mga nagsagawa ng ‘Unity Walk’ nang ihayag ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III, na tuloy na tuloy ang PUVMP at suportado ito ng Pangulo sa kanbila na pinasususpinde ng mga senador.
Matagal na ang programang ito, makailang ulit na rin itong sinuspinde at hindi maipatupad-tupad dahil sa kabi-kabilang mga paghirit.
Malamang na may ikinakasa naman ngayong pagkilos ang tumututol dito. Hindi na matapus-tapos.