Dear Attorney,
Masasabi bang constructive dismissal kung alukin ko ang empleyado ko na mag-resign na lang sa halip na maharap pa siya sa reklamo at tuluyang masisante?— Ernie
Dear Ernie,
Depende sa sitwasyon pero malinaw sa kaso ng Central Azucarera de Bais, et al. v Siason (GR No. 215555, 29 July 2015) na hindi maaring sabihin kaagad na may constructive dismissal kung inalok ang empleyado na mag-resign na lamang.
Sa nasabing kaso ay inalok rin ng resignation ang empleyado matapos mabisto ang ilang iregularidad na ginawa nito sa trabaho. Nag-resign ang empleyado pero ayon sa kanya ay napilitan lamang siya dahil sinabihan siyang mag-resign ng kanyang employer.
Nagsampa ng kasong illegal dismissal ang empleyado pero sa huli ay kinatigan ng Korte Suprema ang employer. Matagal na kasing nagtatrabaho sa kompanya ang empleyado at malapit rin siya sa presidente nito na siyang nag-alok sa kanyang mag-resign na lamang kaya dapat na makita ang nasabing alok bilang pagbibigay sa kanya ng tsansa para magkaroon ng “graceful exit” mula sa kompanya at hindi isang paraan ng constructive dismissal.
May mga pagkakataong maaring ipagpalagay na constructive dismissal ang alok na resignation pero hindi naman ganoon palagi ang sitwasyon. Hindi illegal ang pag-aalok ng resignation at kadalasan ay ginagawa ito upang makaiwas ang empleyado sa posibleng kahihiyan mula sa pagkakatanggal sa trabaho.