ISANG 90-anyos na lolo sa Hungary ang nakapagtala ng world record dahil siya ang pinakamatandang competitive fencer sa buong mundo!
Kinumpirma ng records keeping organization na Guinness World Records na si Peter Boros ang record holder sa titulong “Oldest Competitive Fencer” sa edad na 90.
Labimpitong taong gulang si Boros nang magsimula siya sa larangan ng fencing matapos siyang hikayatin ng kanyang P.E. teacher na mag-aral nito.
Mabilis siyang nahikayat dahil fencer din ang kanyang ama at mayroon na silang fencing equipment sa bahay. Kalaunan, napabilang siya sa pinakamatandang fencing club ng Hungary.
Ayon kay Boros, hindi niya itinitigil ang paglalaro ng fencing dahil naniniwala siya na ito ang nakakapag-maintain ng kanyang maayos at malusog na katawan at pag-iisip.
Ang 90-anyos na si Peter Boros ang “Oldest Competitive Fencer” na iginawad ng Guinness.