Dear Attorney,
Paano po kung pinilit lang ako na pumirma ng quitclaim para ma-release ang separation pay ko? Wala na ba akong habol kung tingin ko ay kulang ang natanggap ko? Hindi naman po kusa ang naging pagpirma ko. — Lito
Dear Lito,
Kung talagang hindi sapat ang iyong natanggap na separation pay ay may karapatan ka pa rin na habulin ang kulang. Hindi naman kasi basta-basta kinikilala sa ilalim ng batas ang mga quitclaim lalo na kung ito ay pinirmahan sa pagitan ng mga partido na hindi pantay ang katayuan, katulad sa sitwasyon ng isang kompanya at ng empleyado nito.
May bisa lang ang quitclaim kung mapapatunayan na ito ay (1) boluntaryong ginawa o pinirmahan ng empleyado; (2) wala itong bahid ng panlilinlang o panloloko mula sa anumang panig, mapa-employer man o empleyado; (3) ang konsiderasyon o ang kapalit para sa pagpirma ng quitclaim ay sapat at makatwiran; at (4) hindi ito labag sa batas, sa pampublikong kaayusan, sa moralidad, o sa karapatan ng ibang tao [Goodrich Manufacturing Corp. v. Ativo, 625 Phil. 102, 107 (2010)].
Kaya kung sakaling kulang talaga ang ibinigay sa iyong separation pay, hindi magiging hadlang ang quitclaim na pinirmahan mo sa pagsasampa ng reklamo, dahil nga para magkaroon ng bisa ang isang quitclaim ay dapat na hindi ito labag sa batas o sa karapatan ng ibang tao.
Malinaw ang batas kung magkano ang dapat matanggap na separation pay ng isang empleyado. Kung kulang ang iyong natanggap ay masasabing walang bisa ang quitclaim na iyong pinirmahan at hindi ito magagamit na depensa ng kompanya para itanggi ang kakulangan nila sa pagbabayad ng iyong separation pay.