‘Ensaymada’ (Part 2)

NATATANDAAN ko noong nililigawan pa lamang ako ng aking mister na si Noel, dinalhan niya ako ng isang basket na puno ng ensaymada. Galing daw ang ensaymada sa kanilang bayan na iyon ang specialty. Kilala raw ang bayan nila na gumagawa ng masarap na ensaymada.

Pero dahil matindi ang pag-ayaw o pagkasuklam ko sa ensaymada, hindi ko tinikman ang ensaymada na dala ni Noel. Ang mga magulang at kapatid ko ang nagsawa sa pagkain ng ensaymada.

Sabi ng kapatid ko, talaga raw napa­kasarap ng ensaymada na dala ni Noel. Yun daw ang pinakamasarap na ensaymada na natikman niya. Pati si Tatay at Nanay talagang hindi malimutan ang ensaymada. Kakaiba raw ang pagkakaluto na tila natutunaw sa dila ang ensaymada.

Nang tanungin ako ni Noel kung nagustuhan ang ensaymada na dala niya, nagsinungaling ako. Sinabi kong nagustuhan iyon.

“Masarap ano? Yan lagi ang binibiling pasalubong kapag galing sa aming bayan. Mabuti naman at nagustuhan mo. Magdadala uli ako next week,’’ sabi ni Noel.

Gusto kong sabihin sa kanya na huwag nang magdala pero baka naman kung ano ang isipin. Hinayaan ko na.
Sumunod na Linggo, may dala na namang isang basket na ensaymada si Noel. Gusto ko nang sabihin sa kanya na nasusuklam ako sa ensaymada kaya huwag na siyang magdala. (Itutuloy)

Show comments