Dear Attorney,
Tama ba na hindi kikita ng interest ang ipinautang ko dahil walang kasulatan tungkol sa pagbabayad ng interest? Paano kung wala naman akong alam sa batas at wala naman akong abogado para magpayo sa akin?—Glen
Dear Glen,
Oo, unenforceable o hindi maipapatupad ang pagpapatong ng interest kung hindi nakasulat ang kasunduan ukol dito.
Hindi maaring idahilan na wala kang alam sa batas kaya dapat ay “excused” ka sa pagsunod nito. Malinaw ang Article 3 ng Civil Code: “[i]gnorance of the law excuses no one from compliance therewith.” Ibig sabihin, kailangang masunod ang batas at hindi maaring palusot ang kawalan ng kaalaman tungkol dito.
Hindi rin pinayagan ng Korte Suprema sa kaso ng Rolando Dela Paz v. L&J Development Company (GR No. 183360, September 8, 2014) na gawing “exception” ang kawalan ng kaalaman sa batas para sa pagpapataw ng interest na hindi naman nakasulat.
Ayon sa Korte Suprema, kasama na sa pagiging “prudent” o maingat ang pagsisigurado na nakalagay sa isang kasulatan ang lahat ng napagkasunduan sa isang kontrata, kabilang na ang pagbabayad ng interest.
Dagdag pa ng Korte Suprema sa nabanggit na kaso na hindi nito maaring bantayan ang lahat ng galaw ng isang indibidwal at iligtas ito mula sa mga maling desisyon kung wala namang nangyaring paglabag sa batas.
Kaya dapat ay nag-iingat tayo sa mga kasunduang pinapasukan natin, kabilang na ang bawat kasunduang nakapaloob doon dahil iyon ang magtatakda ng mga obligasyon mula at para sa bawat partido.