SA loob ng 16 na taon, ngayon ang pinakamaraming Pilipino ang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap. Ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations, umaabot sa 58 porsyento ng mga tinanong ang itinuturing na mahirap ang kanilang pamilya. Ito’y kumakatawan sa 16 milyong Pilipino na itinuturing ang kanilang sarili na mahirap. Napakalapit nito sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority na nagsasabing 17.54 milyong Pilipino ang mahirap base sa kanilang kinikita.
Ang mga naniniwala na sila’y nasa bingit ng pagiging mahirap ay umaabot ng 12 porsyento. Anumang sandali ay puwedeng mahulog ang mga ito sa pagtingin na sila’y mahirap. Kapag pinagsama, aabot sa 60 porsiyento ang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap. Tatlumpung porsiyento ang nagsabi na hindi sila mahirap. Ang paniwala ng mga tinanong sa survey ay malapit sa katotohanan: 60 porsyento ng mga Pilipino ay mahirap; 30 porsiyento ang nasa gitna (middle class); at 10 porsyento ang nakaririwasa.
Ayon sa economic team ng kasalukuyang administrasyon, ang Pilipinas ay isa sa lumalagong ekonomiya sa Asya at ang antas ng kahirapan ay bumaba sa 15.5%. Pero natumbok ni Presidente BBM ang katotohanan nang sabihin niya sa kanyang SONA noong Lunes na walang kabuluhan ang statistics kung naghihirap ang maraming Pilipino at hindi makabili ng sapat na pagkain dahil sa mataas na presyo ng mga ito.
Malakas na puwersa ang tinatawag na pulitika ng sikmura. Kapag gutom ang tao, hindi na niya masyadong naiisip ang tungkol sa demokrasya at kalayaang-pantao. Ito ang dahilan kung bakit may mga kababayan tayo na handang ipagbili ang kanilang boto sa panahon ng eleksyon. Ang malusog na demokrasya ay nakasalalay sa malusog na mamamayan. Matatag ang isang lipunan kung nakakain ng karaniwang mamamayan ang nakakain ng mayayaman. Kahirapan pa rin ang pangunahing kalaban ng demokrasya, hindi ang komunismo.
Sa isang survey na ginawa naman ng OCTA Research, lumabas na ang pangunahing pambansang isyu para sa nakararaming Pilipino ay hindi naman ang tungkol sa West Philippine Sea o kampanya laban sa ilegal na droga o pagbuwag sa katiwalian, kundi tungkol sa mataas na halaga ng bilihin. Habang tumataas ang halaga ng bilihin, bumababa naman ang tiwala ng mamamayan sa gobyerno.
Self-rated ang survey tungkol sa kahirapan, ito’y base lamang sa sariling pananaw o perception. Walang ginamit na sukatan na tulad ng suweldo o ari-arian. Maaaring ipalagay na hindi ito objective dahil alinsunod lamang sa sariling pagtingin. Pero napakahalaga ng pananaw o perception sa pag-uugali, pagkilos, at pang-unawa ng isang tao sa lipunang kanyang ginagalawan. Makakaapekto ito sa pakikitungo ng isang tao sa kanyang kapwa, sa pagtingin niya sa kanyang sarili, at sa pakikisangkot niya sa komunidad.
Sa natitirang tatlong taon ng administrasyon ni BBM, ito ang isa sa malaking hamon—na dumating sa punto na ituturing ng majority ng mamamayang Pilipino na hindi sila mahirap, bagay na hindi pa naisasakatuparan ng sinumang administrasyon. Kapag nangyari ito, talagang magkakaroon ng bagong Pilipinas kung saan ipagmamalaki ng mga Pilipino ang kanilang gobyerno. Kapag nangyari ito, sisigla ang demokrasya rito sa atin. Kapag nangyari ito, matatapon na sa kangkungan ng kasaysayan ang rebelyon at komunismo.