MATINDING pagbaha ang naranasan ng Metro Manila at karatig lalawigan, dulot ng bagyong Carina na hinatak nang husto ang habagat.
Nagmistulang mala-bagyong Ondoy ang baha na idinulot nito.
Nabigla ang marami nating mga kababayan dahil nga makailang beses na nagtaas ng red warning sa ulan.
Nagsimula ng madaling araw hanggang sa pagabi na saka lang kumalma ang malakas na buhos ng ulan.
Maraming mga residente ang hindi na nakapagsalba pa ng kanilang mga gamit sa biglang pagtaas na ng tubig.
Kahapon kita na sa maraming lugar ang matinding pinsalang dulot nito.
Ang aftermath kinabukasan lumantad ang sangkaterbang basura at putik na mistulang ibinalik ng kalikasan sa mga walang pakundangan nagtatapon nito sa kung saan- saan.
Isa ito marahil kung kaya patindi nang patindi ng problema ng bansa sa pagbaha.
Grabe ang naglutangan basura na yan ay masasabing kasalanan na rin ng mga walang disiplina.
Aba’y maging si Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang pagbisita sa Malabon at Valenzuela eh halos hindi makapaniwala sa nakitang sangkaterbang basura na bumara sa mga pumping station.
Nahaharangan ng mga basura ng mga pumping station kaya hindi nagtutuluy-tuloy ang takbo ng tubig. Resulta baha!
Dapat matuto at maging responsable sa pagtatapon ng basura, nang hindi tayo singilin ng kalikasan.