SA wakas, narinig din ng Department of Trade and Industry (DTI) ang panawagan ng health advocates na ipatigil ang online sale ng vape products. Pagkaraan ng isang taon, mula nang maging batas ang Republic Act 11900 (Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act), umaksiyon din ang DTI. Nilagdaan ni DTI Secretary Alfredo Pascual noong Sabado ang Department Administrative Order No. 24-03 na nagsususpinde sa pagbebenta ng vape products online.
Ayon kay Pascual ang pagsuspinde sa bentahan ng vape products online ay para maprotektahan ang kabataan at mapangalagaan ang kanilang kalusugan. Umaayon din umano ito sa pangako ng pamahalaan sa pagtataguyod ng malusog na kapaligiran at pagprotekta sa mga mamamayan mula sa mga potensyal na panganib na nauugnay sa vape products.
Pero sabi ni Pascual, pansamantala lamang ang suspension at maari itong alisin kapag naka-comply na ang e-marketplaces sa itinatadhana ng RA 11900.
Sabi ng health advocates at iba pang tumututol sa e-cigarette o vape, ang maluwag na bentahan ng vape products online ay lalong magdudulot ng seryosong problema sa kalusugan ng kabataan. Karamihan sa mga umuorder ng vape products ay kabataan. At dahil puwede namang umorder nito ang kahit sino, pawang kabataan ang parukyano online. Kaya hindi nakapagtataka na kahit ang wala pang 18-anyos ay lulong na sa pagvi-vape.
Matagal nang nagbabala ang Department of Health (DOH) na may masamang epekto sa kalusugan ang vape dahil nagtataglay ito ng nicotine, propylene glycol, carbonyls at carbon monoxide na mapanganib sa lungs.
Hindi lamang lungs ang naaapektuhan ng pagvi-vape kundi pati na rin ang puso. Posibleng atakehin sa puso ang gumagamit ng vape gaya nang nangyari sa isang 22-anyos na lalaki na namatay noong nakaraang taon. Ayon sa DOH, ito ang kauna-unahang kaso ng pagkamatay kaugnay sa paggamit ng vape.
Dalawang kaso pa na may kaugnayan sa vape ang naitala. Una ay ang 16-anyos na babae sa Western Visayas nagkasakit sa baga. Nakuha niya ang sakit dahil ang mga kasama niya sa bahay ay gumagamit ng vape. Ang ikalawa ay ang 22-anyos na lalaking taga-Alabang na nagkasakit din sa baga dahil sa araw-araw na pagvi-vape.
Ngayong suspendido na ang bentahan ng vape online, makakatiyak kaya ang DTI na walang makalulusot dito. Mababantayan kaya nila ang mga tusong negosyante?
Ang masigasig na pag-monitor ng DTI sa mga ganid na negosyante ng vape products ay nararapat ngayon. Kung hindi, balewala ang pagpapatigil ng bentahan ng vape online.