Total ban ng POGO, may nagbunyi, may luhaan!

Kung maraming nagbunyi makaraan ang total ban na ini­utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), meron din namang mga luhaan.

Ito yung malaki ang tiniba o naibulsa dahil sa POGO.

Ikaw ba naman ang hindi nangangawa sa mawawalang milyun- milyon dahil sa online gaming firms na ito.

Eto pa masaklap ang ilang tiwali na pulitiko, umaasa sa POGO para sa kanilang kandidatura sa May 2025 election.

Paano na kaya ngayon?

Hindi bale, malamang malaki na rin ang naipon ng mga ito sa tagal ng operasyon ng POGO.

Magugunitang diretsahan na siyang naging highlight sa kanyang SONA, nang sabihin ng PBBM na epektibo nga kahapon ay ban na ang POGO.

At hanggang sa katapusan ng taon para lisanin na ng mga ito ang bansa.

Tumindi ang panawagan para sa pagpapatigil sa operasyon ng POGO nang malantad na sangkot ito sa iba’t bang criminal activities.

Kabilang dyan  ang wire fraud, investment scams, kidnapping, murder, prostitution, human trafficking, at torture na nakakadagdag pa sa problema ng bansa.

Bukod pa dyan ang illegal drugs at money laundering activities.

Kaya nga dahil sa mga yan, mas makakabuting patalsikin na lang sila, mas marami ng per­wisyong dulot kaysa kapakinabangan  gayunman ‘wag kalimutang tulungan ang mga kababayan natin na mawawalan ng hanapbuhay dahil sa total ban.

Show comments