LUMIPAS ang walong taon bago tuluyang nakamit ng pamilya ni Jee Ick-joo ang hustisya. Si Jee ang Koreanong businessman na walang awang pinatay ng mga pulis noong Oktubre 18, 2016 matapos kidnapin at humingi ng ransom. Binaliktad ng Court of Appeals (CA) ang naunang desisyon ng Pampanga RTC na nagpapawalang sala sa mastermind ng krimen, si dating police colonel Rafael Dumlao. Ayon sa CA, ang pagpapawalang-sala ng Pampanga judge kay Dumlao ay “mockery of the judicial process”. Hindi umano binigyan ng bigat ang mga ebidensiya at ang testimonya ng testigo.
Kinidnap si Jee at kanyang maid sa bahay nito sa Angeles City, Pampanga at nagdemand ng P8 milyon ransom sa maybahay nito ang kidnappers. Nagbigay ng P5 milyon ang maybahay pero sa halip na palayain, dinala si Jee sa Camp Crame at pinatay sa loob mismo ng SUV nito malapit lamang sa police headquarters. Dinala ang bangkay sa isang punerarya sa Caloocan City na pag-aari ng isang dating pulis at iniutos i-cremate. Pagkatapos i-cremate, itinapon ang abo sa inidoro. Pinalaya naman ang maid ni Jee.
Bukod kay Dumlao, ang iba pang mga sangkot sa krimen ay sina SPO3 Ricky Sta. Isabel, SPO4 Roy Villegas, dating NBI aide at errand boy Jerry Omlang at ang may-ari ng punerarya na si Gerardo Santiago, dating pulis. Si Villegas ay tumayong witness at itinuro si Dumlao na utak ng krimen. Napatunayan ng Pampanga Regional Trial Court na guilty sa pagpatay at kidnapping sina Sta. Isabel at Omlang samantalang napawalang-sala si Dumlao. Namatay naman si Santiago.
Maraming nadismaya sa pagkakawalang-sala ni Dumlao at maski si dating President Duterte ay sinabing ito ang “utak” sa pagpatay kay Jee Ick-joo. Nangako si Duterte sa biyuda ni Jee ick-joo na mananagot si Dumlao. Nagtago si Dumlao pero nahuli rin makaraang mag offer ng reward si Duterte sa ikahuhuli nito, patay man o buhay.
Hinatulan ng CA si Dumlao ng habambuhay na pagkabilanggo at pinagbabayad ng P225,000 bilang bayad pinsala sa kasong kidnapping at homicide at isa pang life term dahil naman sa kidnapping ng house helper ni Jee.
Nakamit na ni Jee ang hustisya at maaaring nakahinga nang maluwag ang kanyang biyuda. Marami namang katulad na kaso ng pang-aabuso ng mga pulis na sinangkalan ang war on drugs ang hanggang ngayon ay hindi pa nalulutas. Pero katulad nang nangyari kay Jee, ang lahat ng kasamaan ay mayroon ding wakas. Mabagal ang usad ng batas pero makakamit din ang hustisya. Nagbayad din ang mga pulis na “uhaw sa dugo”.