Dear Attorney,
Maari ko bang sampahan ng estafa ang nangutang sa akin? May nakapagsabi kasi sa akin na wala naman daw nakukulong sa utang. At isa pa po, 2020 pa po ang utang sa akin. Puwede pa ba akong magsampa ng kaso kahit apat na taon na ang utang? — Lea
Dear Lea,
Tama ka na sa ilalim ng ating batas, walang sinuman ang maaring makulong dahil lamang sa hindi pagbabayad ng utang. Gayunpaman, maari pa ring makulong ang nangutang kung siya ay nanloko upang siya makapanghiram ng pera katulad ng pag-iisyu ng tumalbog na tseke.
Para naman sa tanong mo kung puwede ka pa ring magsampa ng kaso kahit 2019 pa ang naging utang, maari ka pa ring maghabla kung estafa ang tinutukoy mong kaso na isasampa mo. Puwede ka pang magkaso dahil may 15 taon simula ng madiskubre ang krimen para magsampa ng kasong estafa.
Kung kasong civil naman ang isasampa mo para sa collection of sum of money o sa paniningil ng pera, puwede ka pa ring maghabla, dahil may anim na taon simula ng maging due ang utang para makapagsampa ng civil case kung oral lamang ang inyong naging kasunduan at wala kayong written o nakasulat na kontrata, samantalang may 10 taon ka naman para makapagsampa ng kaso kung may naging written contract kayo ukol sa nangyaring pagpapahiram mo ng pera.