Maid of Honor (187)

TUWING hapon na lumulubog ang araw ay naglalakad si Inah sa tabing dagat. Isinasama niya ang matandang ama at ina pero madaling mapagod ang dalawang matanda kaya siya na lamang ang naglalakad sa kahabaan ng kanyang resort na halos mapuno na sa dami ng cottage. Ang katabing resort ay binenta sa kanya kaya lalo pang lumawak ang kanyang ari-arian. Noong nakaraang summer ay napuno ng turista ang kanyang resort. Sa susunod na summer ay inaasahang dadagsa naman ang mga turista at iba pa. Maraming dayuhan mula sa Australia at Canada ang nagpa-reserve na para sa susunod na summer vacation. Kaya inaasahan ni Inah na dadagsa ang bisita.

Bukod sa mga dayuhan at local na turista, marami ring kompanya ang nagpareserba na rin. Kaya bago pa matapos ang taon, punumpuno na ang reserbasyon.

Habang naglalakad si Inah sa dalampasigan ay nakaupo naman ang kanyanng itay at inay sa upuang bato na ipinagawa niya sa kahabaan ng dalampasigan. Maraming mga magsing-irog ang nakaupo roon kapag lulubog na ang araw.

Isang hapon na naglalakad sa dalampasigan si Inah, parang may nararamdaman siyang lihim na nakasubaybay sa kanya.

Hindi naman nagpahalata si Inah at nagpatuloy sa paglalakad. Naisip ni Inah na baka guni-guni lang niya ang lahat. Kung minsan, kapag napapagod siya sa maghapong pagtatrabaho ay kung anu-ano ang naiimadyin niya.

Baka pagod lang iyon. Baka sobra lang ang trabaho niya.

Pero nang mga sumunod na araw ay lalo pang lumakas ang kanyang paniwala na talagang may tao na lihim na nakasubaybay sa kanya.

Kinabahan si Inah.

(Itutuloy)

Show comments