ISANG Egyptian ang nakapagtala ng world record dahil mabilis niyang napuntahan ang lahat ng New Seven Wonders of the World!
Kinumpirma ng records keeping organization na Guinness World Records na ang 45-anyos na si Magdy Eissa ang pinakabagong world record holder ng titulong “Fastest Time to visit the New 7 Wonders of the World”.
Ito ay matapos niyang mabisita lahat ng Seven Wonders sa loob lamang ng anim na araw.
Sinimulan ni Eissa ang kanyang world record attempt sa Great Wall of China, sunod ang Taj Mahal sa India, ang ancient city of Petra sa Jordan, Colosseum sa Rome, Italy, Christ the Redeemer ng Brazil, Machu Picchu sa Peru, at ang pinakahuli ay ang Mayan city Chichén Itzá sa Mexico.
Upang kilalanin ng Guinness ang kanyang record attempt, kailangang public transport lang ang kanyang sasakyan. Hindi siya maaaring gumamit ng sariling kotse at private jet. Upang ma-achieve ang mabilis na biyahe sa pitong bansa, pinagplanuhang mabuti ni Eissa ang kanyang dadaanang mga ruta.
Ayon kay Eissa, dalawang childhood dreams ang nakamit niya sa achievement na ito, ang una ay mapuntahan ang mga pamosong world landmarks na dati lamang ay sa libro niya nakikita at ang pangalawa ay maging bahagi ng Guinness Book of World Records.